Dismayado ang mga tagasuporta ng mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio at lay worker na si Marielle Domequil matapos tanggihan ng Regional Trial Court Branch 45 sa Tacloban City ang hiling na makapagpiyansa sa kasong “terrrorism financing.” Ayon sa Free Tacloban 5 Network, higit nitong patatagalin ang anim na taon nang hindi makatarungang detensyon kina Cumpio at Domequil sa gawa-gawang kaso.
Sina Cumpio at Domequil ay hinatulan na maysala sa kasong “terrorism financing” noong Enero 22. Nahaharap sila sa 12 hanggang 18 taong pagkakabilanggo at pinagmumulta ng ₱500,000 kada isa kaugnay ng kaso. Sa araw ding iyon, naabswelto sila sa hiwalay na kasong illegal possession of firearms and explosive.
Ang dalawa ay inaresto, kasama ang tatlong iba pa, noong Pebrero 7, 2020 at kolektibong kinilala bilang Tacloban 5. Si Cumpio ay tagapangasiwa sa independyenteng media outlet na Eastern Vista at kontribyutor ng Altermidya, habang si Domequil ay istap ng Rural Missionaries of the Philippines.
Sa naging desisyon ni Judge Georgina Uy Perez ng RTC Branch 45, na siya ring nagpataw ng hatol na pagkakasala sa kasong “terrorism financing,” isinaad na “mabigat” ang mga batayan para tanggihan ng korte ang mosyon para sa pyansa. Aniya, posibleng magpatuloy sina Cumpio at Domequil na “magbigay ng suporta sa mga teroristang organisasyon kung mapalalaya sa bisa ng pyansa.”
Ayon sa Free Tacloban 5 Network, malinaw ang inihapag ng mga abugado nina Cumpio at Domequil kaugnay ng propesyon at adbokasiya ng dalawa. Bilang mamamahayag at lay worker, ang trabaho umano ng dalawa ay “nakasentro sa naaayon sa batas na adbokasiya, pagtuturo sa komunidad, at pag-uulat sa mga paglabag sa karapatang-tao sa rehiyon.”
Dagdag ng grupo, ang mga gawaing ito ay lehitimo at ginagarantiyahan ng proteksyon ng konstitusyon. Maliban dito, bigo rin umano ang mga saksi ng prosekusyon na magbigay ng direkta, may batayan at hindi mapasusubaliang ugnay ng dalawa sa kahit anong porma ng “terrorism financing.” “Kaya nga nakapanlulumo na hinatulan pa rin silang maysala sa kabila ng uri ng kanilang trabaho at ng mga ebidensiyang inilatag,” anito.
Higit na kwestyunable para sa mga tagasuporta ng dalawa ang hatol na maysala laluna sa harap ng deklarasyon ng Court of Appeals na walang batayan ang pagsamsam ng estado sa perang nakuha sa katauhan ni Cumpio noong Oktubre 2025. Ayon sa korte, walang ligal o aktwal na batayan para masabing may kaugnayan ang pera sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.
“Mahigpit na kinukundena ng network ang pinatagal na detensyon nina Frenchie at Mariel,” ayon sa Free Tacloban 5 Network. Anito, ang patuloy na detensyon sa dalawa, sa kabila ng mga ebidensya sa korte, pagkabasura ng iba nilang kinaharap na kaso, ang desisyon ng Court of Appeals, at kanilang magandang rekord sa kulungan, ay nagpapakita ng nakababahalang padron ng pag-atake sa mga aktibista, mamamahayag at mga tumutulong sa mga komunidad. “Layunin nitong busalan ang kritikal nilang mga tindig,” dagdag ng grupo.
Samantala, patuloy ang paghahanda ng mga abugado nina Cumpio at Domequil mula sa National Union of People’s Lawyers na maghapag ng motion for reconsideration sa hatol na maysala sa “terrorism financing.” Naghahanda rin silang iapela ang di makatarungang hatol sa Court of Appeals.
Ayon sa Free Tacloban 5 Network, determinado silang gawin ang lahat ng ligal na remedyo hanggang sa makamtan nina Cumpio at Domequil ang hustisya.
The post Pagtanggi ng korte sa petisyon para magpyansa ng 2 sa Tacloban 5, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

