Hindi maipagmamalaki ang pagsisilbi ni Lt. Col. Jovily Carmel Cabading bilang kauna-unahang babaeng kumander ng isang batalyon ng Philippine Army, ayon sa progresibong grupo ng kababaihan na Gabriela-Southern Mindanao. Nagtapos ang dalawang taon na “tour of duty” ni Lt. Cabading bilang kumander ng 60th IB noong Pebrero 6. Saklaw ng operasyon ng batalyon ang Davao del Norte at nasa ilalim ito ng pangangasiwa ng 10th ID.
Sa pamumuno ni Lt. Cabading mula 2024 hanggang 2026, ipinagmamalaki ng 60th IB ang “pagpapasuko” sa 412 na mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa prubinsya. Ang panunungkulan niya ay dalawang taon makalipas ang upisyal na deklarasyon bilang “insurgency-free” sa Davao del Norte noong Hunyo 2022 at sa Davao Region noong Setyembre 2022.
Ibinandera ng 10th ID na “makasaysayan” ang pagtatapos ng pamumuno ni Lt. Cabading sa naturang batalyon. Ginamit ng militar ang pagkakataon para purihin ang tungkulin ng kababaihan sa pasistang institusyon.
Taliwas dito ang tingid ng Gabriela-Southern Mindanao. Anito, hindi kapuri-puri at hindi dapat kinikilala ang mga babaeng naging mulat na instrumento ng pang-aapi sa kapwa babae, kabataan at bayan. Anang grupo, ang estado at ang Armed Forces of the Philippines (AFP), na kinabibilangan ni Cabading, ang sapilitang nagpasara sa mga paaralang Lumad sa Davao del Norte at mga karatig lugar sa rehiyon.
“Pinatay nila ang pangarap ng mga kabataang Lumad na naghahangad na makaahon sa kahirapan at kawalan ng edukasyon,” dagdag ng grupo. Ayon sa Save Our Schools Network Mindanao, hindi bababa sa 200 mga eskwelahang Lumad na ipinundar ng mga komunidad ang ipinasara ng AFP at ng gubyerno.
Ayon sa grupo, notoryus ang mga yunit militar na nakabase sa Davao del Norte sa karumal-dumal na paglabag sa mga karapatang-tao. Kabilang sa mga ito ang patung-patong na mga kaso ng Red-tagging at panghaharas sa mga Lumad na nagdulot ng paulit-ulit na pagbabakwit, panggagahasa sa kababaihan at menor-de-edad, pagsasampa ng mga kasong kriminal sa mga magsasaka at aktibista, pwersahang pagpapasurender, at pagpatay.
“Sa ganitong sistemang umiiral, tahasang pinatatahimik ang kababaihan at kabataan,” ayon sa Gabriela-Southern Mindanao. Ginagawa ito ng AFP habang lantad nitong ipinagtatanggol ang mga korap na burukratang kapitalista, malalaking panginoong maylupa at multinasyunal na mga korporasyon na nandarambong ng mga lupaing ninuno at sumisira sa kalikasan at kabuhayan ng masang Lumad at anakpawis.
The post Unang babaeng kumander ng isang batalyon ng Philippine Army, hindi kapuri-puri—grupo ng kababaihan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

