Dumalo sa inilunasd na asembliya kontra korapsyon noong Pebrero 14 sa University of the Philippines (UP)-Diliman ang mga grupo na kumakatawan sa iba’t ibang sektor sa bansa. Ipinatawag ang asembliya 10 araw bago ang nakatakdang malawakang protestang kontra korapsyon sa Pebrero 25, kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA People Power.

Pinangunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang aktibidad. Ang grupo ang nanguna sa 100,000-kataong demonstrasyon noong Setyembre 21, 2025 at 20,000-kataong kilos protesta noong Nobyembre 30, 2025 laban sa korapsyon sa Luneta Park, Maynila.

Umikot sa temang “Ikulong Ang Kurakot! Bawiin Ang Ninakaw! Wakasan Ang Korapsyon!” ang asembliya. Layunin ng pagtitipon na tasahin at balikan ang naging pakikibaka kontra korapsyon mula nang pumutok ito noong huling bahagi ng 2025, talakayin ang susunod na mga hakbang, palakasin ang koordinasyon sa mga grupo at indibidwal, at pagkaisahan ang magiging direksyon ng kolektibong pagkilos para sa pananagutan at pagwawakas sa korapsyon.

Nagsilbing tagapagsalita sa pagtitipon ang mamamahayag na si Guinevere Latoza ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), si Rep. Antonio L. Tinio ng ACT Teachers Party List, Raven Kristine Racelis ng Kabataan Party-list, Atty. Luke Espiritu ng Artikulo XI, at Prof. David Michael San Juan ng KBKK. Nagtalakay ng iba’t ibang paksa ang mga tagapagsalita mula sa usapin ng sistema ng korapsyon ng gubyerno hanggang sa mga kinakailangang pagbabago.

Pagkatapos ng mga isinagawang talakayan ay hinati-hati sa walong grupo ang mga delegado ng asembliya para palalimin pa ang walong puntong kahingian na inilatag ng KBKK. Kabilang dito ang panawagan na alisin sa pwesto, panagutin at ikulong ang lahat ng sangkot sa maaanomalyang flood control projects at iba pang anyo ng korapsyon mula kay Duterte hanggang kay Marcos.

Nagpadala ng mensahe ng pakikiisa sa naturang asembliya si Bishop Gerardo Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines at tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Episcopal Commission on Social Action. Kaisa siya sa panawagan ng asembliya ng pagpapanagot sa lahat ng sangkot, mula tuktok at sa lahat ng sulok.

Panghihikayat ni Alminaza sa mga Pilipino: “Maging baha tayo ng pag-asa. Kung ang korapsyon ay isang baha, dapat tayo ay maging isang mas malaking baha: hindi lamang baha ng galit, kundi baha ng integridad, isang baha ng pagbabantay, isang bahag ng organisadong pagkilos. Mangahas sana tayong puksain ang korapsyon. Wakasan ang korapsyon! Ikulong ang mga kurakot! Bawiin ang ninakaw!”

Isang araw bago ang asembilya, inilunsad ng mga grupong alyado ng KBKK ang unang Black Friday Protest kontra korapsyon ngayong 2026. Nagkaroon ng mga protesta sa iba’t ibang parte ng National Capital Region ang mga grupo ng manggagawa, kabataan at estudyante, mga magsasaka, maralitang-lunsod at iba pa.

The post Asembliya kontra korapsyon, nilahukan ng iba’t ibang grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.