Makalipas ang anim na buwan, nakatanggap ng karagadagang ulat ang National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) hinggil sa pagkamatay ng Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Samar (Rodante Urtal Command) na si Edwin Ventura (Ka Alas). Ayon sa impormasyon, si Ventura ay hindi napatay sa armadong engkwentro kundi nadakip at sadyang pinatay ng 78th IB.
Si Ventura ay unang naiulat na kabilang sa dalawang napatay sa reyd ng 78th IB sa kampo ng BHB sa Barangay San Jose, Mapanas, Northern Samar noong Agosto 27, 2025. Sa karagadang ulat nitong Pebrero, napag-alaman na nagsasagawa ng rekorida si Ventura nang siya ay nadakip.
Ayon sa NDF-EV, labag ang pagpatay kay Ventura sa mga alituntunin ng digma na nakasaad sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), 1949 Geneva Conventions, at maging ng reaksyunaryong batas na nagbabawal na pinsalain ang kaaway na malinaw nang walang kakayahang lumaban.
Sa isang pahayag noong Setyembre 2025, pinarangalan ng BHB-Northern Samar si Ventura. Nagmula siya sa isang pamilya ng magsasaka sa Barangay Senonogan de Tubang, Silvino Lobos. Sa murang edad, niyakap niya ang programa ng demokratikong rebolusyong bayan sa kanilang baryo dahil sa kawalan ng panlipunang serbisyo tulad ng edukasyon, pagkasira ng kanilang maliit na kabuhayan, at matinding kahirapan.
Naging kasapi siya ng Kabataang Makabayan at noong 2017 nang tumuntong sa wastong edad ay sumapi sa BHB. Nagsilbing upisyal ng isang iskwad ng BHB si Ventura at naging kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pagtatapos ng 2017. “Sa loob ng hukbo, masipag at masigasig siyang gumampan ng pulitiko-militar na gawain habang patuloy na nagpapanibagong hubog,” pahayag ng yunit.
Ayon sa NDF-EV, dapat patuloy na magsikap ang mga yunit ng BHB sa buong rehiyon para biguin ang pasistang todo-gera ng rehimeng Marcos. “Dapat nilang matapang na magpunyagi sa landas ng digmang bayan para kamtin ang hustisya para sa lahat ng biktima ng pasistang estado at ang matagalang kapayapaan para sa mamamayan,” pahayag ni Ka Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng grupo.
The post Bagong ulat kaugnay sa pagpatay ng 78th IB sa Pulang mandirigma, natanggap ng NDF-EV appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

