Muling inilabas ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) noong Pebrero 13 ang Document Containing the Charges (DCC) ng naglalaman ng mga detalye ng mga kaso ng dating presidente na si Rodrigo Duterte. Sa pagkakataong ito,ipinakita na sa dokumento ang dagdag na mga pangalan na itinuturing ng prosekusyon na mga “co-perpetrator” o kasabwat ni Duterte sa pagsagawa ng mga krimen laban sa sangkatauhan.
“Nakita na natin ang dokumentong ito (DCC) noong Setyembre 2025 pero ito ang unang pagkakataon na maraming signipikanteng detalye ang isiniwalat,” ayon kay Atty. Kristina Conti, abugado ng mga biktima.
Mababasa na sa dokumento ang mga pangalan ng mga co-perpertrator na sina Ronald “Bato” Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP); Vicente Danao, dating PNP counter-intelligence, operations director, CIDG operations at MPD director; Camilo Cascolan (patay na), dating hepe ng PNP operations; Oscar Albayalde, dating hepe ng NCRPO na kalauna’y naging hepe ng buong PNP; Bong Go, dating espesyal na assistant ni Duterte; Dante Gierran, dating NBI director; Isidro Lapeña, dating hepe ng PDEA at Vitaliano Aguirre II, dating kalihim ng Department of Justice. Liban kay Aguirre, lahat ng mga pinangalanan ay kasa-kasama ni Duterte mula meyor pa siya ng Davao City.
“Ipinapakita nito na ang plano ay ginawa hindi lamang para simpleng ipatupad, kundi para rin matiyak ang impyunidad nito,” ayon kay Conti. Pinapatungkulan niya ang pagkakasangkot ng mga hepe ng mga ahensyang dapat nag-imbestiga sa mga pagpatay, at maging ang hudikatura. Aniya, ipinapakita rin nito na ang “war on drugs” ay nagsimula sa Davao.
Posibleng may ilalabas pang dagdag na mga detalye sa pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso na nakatakda sa Pebrero 23.
The post Mga kasabwat ni Duterte sa mga krimen laban sa sangkatauhan, isiniwalat na ng ICC appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

