Kinundena ng mga residente ng barangay Imok, Calauan, Laguna ang pananakot ng mga pulis at tauhan ng punong bayan at pamimilit ng mga ito na tanggalin ang nakakabit na mga panawagan laban sa itatayong landfill sa kanilang lugar. Tutol ang mga residente na gawing basurahan ang rehiyon. Naganap ang pamimilit noong Pebrero 11.

Ayon sa mga residente, pagkatapos ng insidente ay binigyan sila ng sulat mula kay Erwin Sacluti, Public Information Officer ng Calauan, na nagsasaad na wala umanong proyektong landfill o tambakan ng basura sa barangay Imok. Nagbabala rin ang upisina laban sa mga magpapakalat ng impormasyon na may proyektong landfill sa lugar.

Ngunit ayon mismo sa upisyal na Facebook page ng Sangguniang Bayan ng Calauan, pasado na sa ikalawang pagbasa sa regular na sesyon ng konseho noong Pebrero 12 ang proyektong “Calauan Integrated Sanitary Landfill and Waste Management Facility.” Nagbabala pa si Roseller Caratihan, meyor ng Calauan, na kakasuhan niya ang sinuman na tututol sa plano.

Sasaklawin ng proyekto ang 84.23 ektarya ng barangay Imok, kabilang ang 1,400 metro na access road. Matatagpuan ang proyekto sa hanggangan ng Calauan at San Pablo City. kung saan maaring maapektuhan ang limang barangay ng San Pablo City. Kung matuloy, tatanggap ang landfill ng 5,000 toneladang basura o katumbas ng mahigit 250 na trak ng basura araw-araw. Pag-aari ng kumpanya ng South Luzon Waste Managament Corporation ang proyekto.

Duda ng mga residente, sadyang nililito sila ng lokal na pamahalaan kaugnay sa proyekto. Habang itinatatanggi sa publiko ang proyekto, pormal itong tinatalakay at isinusulong sa loob ng sangguniang bayan nang walang konsultasyon sa mga komunidad na apektado. Anila, hindi din ginagampanan ng lokal na pamahalaan ang tungkulin nto na makinig at magbigay ng malinaw sa mga pagsusuri sa epekto ng proyekto sa kabuhayan, kalusugan at kalikasan.

“Kung walang proyekto, bakit kailangang patahimikin ang mga mamamayan? Bakit kailangang gamitan ng kapulisan ang simpleng panawagan?” pahayag ng ilang residente. Anila, makatarungan ang kanilang paninindigan laban sa proyekto at hindi sila dapat takutin at pagbantaan.

The post Planong tambakan ng basura sa Calauan, Laguna, kinundena ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.