Nagdiriwang ang pamilya, kaibigan at mga myembro ng Tanggol Migrante Movement sa paglaya ni Kuya G mula sa detensyon sa NorthWest Detention Center sa Tacoma, Washington noong Pebrero 13. Kinatigan ng korte ang isinampang petisyon ng kanyang mga abugado para sa habeas corpus. Mahigit 11 buwan siyang nakakulong sa pasilidad ng Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Ayon sa korte, ang malubhang pagpapabaya kay Kuya G ng ICE ay may malubhang epekto sa kanyang kalusugan at permanenteng kapansanan. Sa detensyon, natanggal ang kanyang daliri sa paa at bahagi ng kanyang paa. Ipinailalim din siya sa malupit na detensyon na labag sa konstitusyon ng bansa at kailangan mapalaya agad.
Ayon sa TMM, naging posible ang tagumpay na ito dahil sa walang tigil na pangangampanya at hindi na mabilang na ambag ng komunidad, migranteng manggagawa, organisasyon, unyon, mga abugado sa pagsisikap ni Kuya G na lumaban para sa kanyang paglaya.
“Habang nagdiriwang kami ngayon, hindi din namin makakalimutan ang gubyerno ng Pilipinas at si Bernice Santayana, Assitance to the Nationals (ATN) Officer, na bigong ipaglaban ang kagalingan ni Kuya G at sa pakikipagsabwatan niya sa ICE at Geo Group upang pabilisin ang tangkang pagpapadeport kay Kuya G noong Disyembre 7, 2025,” paliwanag ng TMM.
“Patuloy ang paninindigan ng TMM na ipagpatuloy ang laban para sa lahat ng Pilipinong nakadetine at nasa krisis at isulong ang panawagan para kay ATN Officer Bernice Santayana na umalis sa katungkulan. Dapat ding panagutin lahat ng ahensya at upisyal ng gubyerno sa kanilang kriminal na kapabayaan sa kalusugan at kagalingan ng mga Pilipinong nakadetine,” pahayag ng grupo.
The post Pilipinong imigrante, nakalaya mula sa detensyon ng ICE appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

