Kinundena ng mga grupong Agham at Computer Professionals’ Union ang panukala ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) noong Pebrero 10 na ipagbawal sa bansa ang app sa internet na Signal bilang tugon diumano sa problema ng “spoofing.” Ang spoofing ay porma ng panlilinlang, kung saan nagpapanggap ang isang cybercriminal bilang ahensya o upisyal ng gubyerno upang magpakalat ng maling impormasyon o magnakaw ng sensitibong datos.
Ayon sa mga grupo, labag ang panukala sa mga karapatang digital. Isa lamang itong minadaling tugon sa problema sa spoofing, anila. Kahit anong plataporma na ginagamit sa pagpapadala ng mga mensahe sa internet ay pwedeng gamitin sa spoofing.
Pansamantalang solusyon lamang ang pagbabawal sa Signal dahil maari pa ring gumamit ang mga kriminal ng Virtual Private Network at iba pang atlternatibong plataporma. Habang ang mga kriminal ay patuloy na umaangkop sa mga bagong regulasyon, ang mga ordinaryong gumagamit ng Signal tulad ng mga mamamahayag, aktibista, propesyunal at mga pribadong indibidwal ang mawawalan ng akses sa isang ligtas na plataporma, ayon sa mga grupo.
“Gusto ngayon ipagbawal ang Signal dahil sa mga pampublikong ulat na sinasabing ginamit ito ni Marcos Jr. at isang ‘bagman’ upang talakayin ang palitan ng bilyun-bilyong pondong nakurakot,” ayon sa pahayag ng dalawang grupo. “Kung tunay na nag-aalala ang gubyerno sa mga nangyayari sa Signal, dapat ang tanong ng publiko ay: ito ba ay tungkol sa pagprotekta sa mga tao laban sa spoofing, o upang pagtakpan ang mga ebidensya ng korapsyon na imbwelto ang pangulo?”
Anila, ang panukala ay pareho lamang sa batas na SIM registration, kung saan pinipilit ang mamamayan na isuko nila ang kanilang karapatan sa pribasiya kapalit ng pangako ng kaligtasan at “seguridad.” Kung matuloy ang panukala, lantarang paglabag ito sa karapatan ng mamamayan sa malayang pagpapahayag at karapatan sa pribasiya sa ilalim ng International Covenant on Civil and Political Rights.
Ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center ay ahensya ng gubyerno na nakapailalim sa Department of Information and Communications Technology (DICT). Itinatag ito sa ilalim ng Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012 upang maging nangungunang ahensya na mangangasiwa at magkoordina ng mga pagsisiyasat at pagpigil sa cybercrimes sa bansa.
The post Panukala ng rehimeng Marcos na ipagbabawal sa Signal app, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

