Mariing kinundena ng Mindoro Youth for Environment and Nation (MYEN) ang dredging ng Ovada Philippines Inc. sa Barangay Iriron, Calintaan, Occidental Mindoro na isinasagawa sa tabing ng “maintentance at restoration ng Nagapi River” at bilang proyektong flood control.” Ayon sa grupo, walang ginawang konsultasyon sa mga maapektuhang mga komunidad ng proyekto.

Noong Pebrero 2, dumating ang dalawang barko na ginagamit sa dredging sa baybayin ng barangay Calintaan, na nagdulot ng pangamba sa mga residente. Anila, nalaman na lamang nila na may maghuhukay sa ilog dahil sa sulat na ibinigay ng Philippine Coast Guard (PCG) noong Pebrero 3 na nag-abiso sa kanila kaugnay sa ginagawang pagsusuri ng buhangin ng kumpanyang Ovada. Ang malala, ibinigay ang sulat anim na oras bago magsimula ang operasyon. Duda ang mga residente na pagsusuri lamang ang ginagawa ng kumpanya lalo’t masyadong marami itong kinukuhang buhangin mula sa baybayin.

Nagprotesta ang mga residente noong Pebrero 4 upang ireklamo ang dredging. Ayon sa barangay at ng lokal na gubyerno, hindi nila alam na may nagaganap na operasyong dredging sa lugar. Huli na nang nagpadala ng liham ang kumpanya. Dahil sa protesta, inutusan ang PCG na ipatigil ang operasyon ng mga barko. Noong Pebrero 6, naglunsad ng peace rally ang mga residente sa munisipyo ng Calintaan upang kundenahin ang pangwawasak sa baybay ng kanilang barangay.

Batay sa dokumentong nakalap ng mga residente, naglabas ng abiso ang PCG noong Enero 26 na maglulunsad ng imbestigasyon at testing ang San Miguel Aerocity Inc., kumpanyang pagmamay-ari ng San Miguel Corporation, mula Enero 26 hanggang Pebrero 6, sa maaring pagkunan nito ng buhangin sa ilog ng Nagapi.

Pinabulaanan ni Ed Gadiano, gubernador ng prubinsya ang insidente. Aniya, hindi dredging ang naganap kundi isang test sampling lamang upang suriin ang dami ng bara sa bukana ng ilog, Dumaan din umano ito sa tamag proseso. Ayon kay Atty. Eric Labrador, meyor ng Calintaan, walang ibinigay na permit ang kanyang upisina para sa dredging o proyektong river restoration sa baybayin o ilog ng bayan.

Noong Pebrero 11, naghain ng resolusyon ang mga konsehal ng Calintaan at si Jayduff Labrador, bise meyor, para sa agarang pagpapahinto sa dredging dahil sa magiging epekto nito sa kapaligiran at kalikasan. Ayon sa resolusyon, ang sentro ng operasyon ng kumpanya ay ilang metro lamang ang layo mula sa dalampasigan ng barangay o saklaw pa ng 1.5 kilometro ng municipal waters. Katabi rin ng lugar ang dalawang protektadong erya ng munisipyo na Batao-Tabao at isla ng Luli. Sa lugar din nangingitlog at nagpaparami ng pawikan, na isang endangered species.

Mula pa Agosto 2025, ipinatigil ang operasyon dredging sa buong prubinsya dulot ng malawakang pagkundena at epekto nito sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.

The post Operasyong dredging sa Occidental Mindoro, kinundena ng kabataang Mindorenyo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.