Nagprotesta ang Migrante Philippines sa labas ng San Jose Del Monte (SJDM) Philippine National Police Station noong Pebrero 12 upang kundenahin ang pag-aresto kay Engineer Even Calajate. Inaresto siya noong Pebrero 11 dahil sa kasong perjury (pagsisinungaling sa isang sinumpaang salaysay) ng limang suporter ni Rida Robes, kasalukuyang meyor ng SJDM. Ang kaso ay kaugnay sa kanyang naging testimonya sa senado noong Nobyembre 2025 nang maglunsad ito ng pampublikong imbestigasyon hinggil sa palpak na serbisyon ng Primewater. Bahagi ng testimonya ni Calajate ang malawakang pagkubabaw ng Primewater sa iba’t ibang lokal na distritong tubig sa pamamagitan ng mga Joint Venture Agreements (JVA) mula 2017 hanggang 2019. Inilahad niya sa pagdinig ang naging papel ni Meyor Rida Robes at kanyang asawa na si Rep. Arthur Robes sa pagpasok ng PrimeWater sa SJDM.
Pagkatapos ng protesta ay dinalaw ng iba’t ibang grupo si Engr. Calajate sa kulungan. Kinagabihan ay naglunsad ng candle-lighting sa San Jose Workers Church ang mga grupo para muling ipanawagan ang kanyang agarang paglaya. Nakalaya si Engr. Calajate noong Pebrero 13 matapos magpyansa.
Si Engr. Calajate, 77 anyos, ay dating Chairman ng Board ng San Jose del Monte Water District, pangulo ng Alliance for Consumer Protection, kumbenor ng SUKI at myembro ng Water for the People Network (WPN). Sa halos isang dekada, nakipagtulungan siya sa mga grupo ng mga konsyumer sa mga pampublikong pagdinig, porum at asembliya upang ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan para sa abot-kaya at de-kalidad na mga batayang serbisyo, laluna sa tubig. Isa siya sa unang nagkwestyon sa pagpailalim ng PrimeWater sa SJDM Water District.
Kinundena ng Alliance for Consumer Protection at WPN ang pag-aresto kay Engr. Calajate. Anito, ang insidente ay kahalintulad sa kung paano inaresto si Konsehal Irene Del Rosario ng NBI habang nasa duty sa session hall noong 2018 dahil sa kanyang pagpuna sa pribatisasyon ng serbisyo sa tubig sa SJDM at sa mga Robes dahil sa pagtiyak ng mga ito na makakapasok sa bayan ang PrimeWater. Si Del Rosario ay dating pro-konsyumer at tagapagtaguyod sa karapatan sa serbisyo sa tubig,
Ayon sa Migrante Philippines, ang pag-aresto kay Engr. Calajate ay porma ng panunupil at babala sa sinumang magtatangkang kuwestiyunin ang mga kasunduang pumapabor sa dambuhalang korporasyoneon. Bahagi din ito ng mas malawak na balangkas ng neoliberal na patakarang itinutulak ng estado, kung saan ang batayang serbisyo tulad ng tubig ay isinusuko sa kontrol ng iilang negosyo, habang isinisikil ang mamamayang lumalaban.
Nagpahayag ng din ng pagkundena ang People’s Rights Network, Samahan at Ugnayan para sa Ikauunlad ng Bayan (SUKI Network), Seafarers of the Philippines, Pro-People Engineers and Leaders (PROPEL), Kabataan Partylist, at Kadamay.
The post Tagapagtaguyod sa karapatan sa serbisyo sa tubig, inaresto appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

