Sama-samang nagprotesta ang mga residente ng Sityo San Roque ng Barangay Bagong Pag-asa, Quezon City noong Pebrero 10 para tutulan ang bantang demolisyon sa tatlong erya sa naturang sityo. Pinangunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang pagkilos ng mga residente sa harap ng National Housing Authority (NHA) at city hall ng Quezon City.
Ayon sa Kadamay-San Roque, mahigit 300 pamilya ang nahaharap sa banta ng pagpapalayas sa Area I, G at J para sa planong pagpapalawak ng kalsada patungo sa mall na Vertis North, pag-aari ng mga Ayala. “[P]atunay na sa ilalim ng huwad na “kaunlaran,” ang maralitang lungsod ang laging inaalis para sa tubo ng iilan,” anang grupo.
Dagdag nito, ginagamit ng NHA at Ayala ang iskemang “self-demolition” at tulong pinansyal para linlangin ang mga residente na wasakin ang kanilang komunidad at pwersahin silang lumayas. “May lupa, tirahan, at negosyo para sa mga dayuhan at malalaking negosyante, habang mas masahol na kalagayan at unti-unting kamatayan ang itinakda para sa masang maralita,” ayon sa Kadamay-San Roque.
Isang araw bago ang protesta, tinakot at dinahas ng mga gwardya ng Ayala ang isang residente sa Area I. Ayon sa ulat ng Kadamay-San Roque, bigla na lamang giniba ng mga gwardya ang barung-barong na bahay ng residente na natatakpan lamang ng trapal. Sinira rin umano ang mga kagamitan ng residente sa kabuhayan.
Ayon sa residente, ikatlong beses na itong ginawa sa kanya. Dagdag rito, tinamaan ng bato ang isang purok leader mula sa pamamato ng mga gwardya. Nagbanta rin ang isa pang gwardya na bubunot ng baril.
Ang Sityo San Roque ay halos tatlong dekada nang lumalaban sa paulit-ulit na tangka ng demolisyon. Naging tampok na pakikibaka ng sityo ang barikada noong Setyembre 2010 kung saan matapang nilang hinarap ang mga buldoser, mga tauhan ng NHA at lokal na gubyerno ng Quezon City para ipagtanggol ang kanilang tirahan. Binigo ng kanilang pagkakaisa ang karahasan ng mga pulis na binuwag ang barikada, nambomba ng tubig at nagbanta ng pamamaril. Pitong residente ang noo’y nasugatan habang dalawa ang inaresto.
Samantala, noong 2019 ay nabuo rin ng komunidad at katuwang nilang mga grupo ang Community Development Plan ng Sityo San Roque. Kaugnay nito, noong 2024 ay nangako ang lokal na gubyerno ng Quezon City ng in-city relocation sa Pingkian na hanggang ngayon ay walang pag-usad.
Anang grupo, ang panawagan ng komunidad sa lokal na gubyerno ng syudad ay dapat isagawa nito ang ipinangakong in-city relocation. “Bago matapos ang termino ni Mayor Joy Belmonte, dapat maisakatuparan [ito],” ayon sa grupo.
The post Mga residente ng Sityo San Roque sa Quezon City, nagprotesta kontra bantang demolisyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

