Sa ikatlong taon ng sapilitang pagkawala ni Ariel Badiang, konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa Southern Mindanao Region (SMR), muling nanawagan ang grupo sa karapatang-tao sa rehiyon na ilitaw siya ng rehimeng Marcos. Si Badiang ay dinukot ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Eastern Mindanao Command sa Manolo Fortich, Bukidnon noon Pebrero 6, 2023.
Ayon sa Karapatan-SMR, dapat nang itigil ng AFP at Philippine National Police (PNP) ang kanilang palabas at pagtanggi na wala silang alam at kinalaman sa pagkawala ni Badiang. Binatikos ng grupo ang taktika ng pagdukot ng rehimeng Marcos na ginagamit para sindakin at supilin ang paglaban ng mamamayan.
Bilang konsultant ng NDFP para sa negosasyong pangkapayapaan, si Badiang ay dapat protektado mula sa pag-atake ng armadong pwersa ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Ang mga negosyador at konsultant tulad niya ay ginagarantiyahan ng proteksyon sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).
Ang sapilitang pagwala kay Badiang ay isa ring malinaw na paglabag sa internasyunal na makataong batas (international humanitarian law o IHL), ayon sa grupo. Nanawagan ito sa International Committee of the Red Cross (ICRC) at Commission on Human Rights (CHR) ng Pilipinas na papanagutin ang AFP sa paglabag na ito.
Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos, mayroong hindi bababa sa 19 ang biktima ng sapilitang pagwala. Sa talaan ng Ang Bayan, halos 300 ang biktima ng pagdukot ng mga pwersa ng estado. Ilan sa kanila ay inililitaw nitong patay, habang ang iba ay ikinukulong sa mga kasong kriminal o pinalalabas na mga “sumuko” na “dating rebelde.”
The post Dinukot na konsultant sa kapayapaan ng NDFP sa Southern Mindanao, muling ipinanawagang ilitaw appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

