Tuluy-tuloy lumalawak ang pakikiisa ng iba’t ibang mamamayan at estado laban sa imperyalistang panggigipit ng US sa Cuba. Ito ay matapos ipitin ni Trump ang daloy ng suplay ng langis sa bansa sa pamamagitan ng pagbabanta sa mga bansang magpapadala rito ng langis. Nitong Pebrero, dalawang beses na itinaboy ng Coast Guard ng US ang paglalayag ng mga barkong nagdadala ng langis mula sa Mexico at Venezuela. Ang pagkakait ng langis ang pinakahuling sangsyon ng US sa ekonomya ng Cuba para gipitin at paluhurin ang mga lider at mamamayan nito.

Sa gitna ng panggigipit ng US, bumuhos ang suporta at pakiisa ng internasyonal na komunidad. Kamakailan, dalawang barko ng Mexican Navy ang dumaong sa Havana dala ang higit 800 tonelada ng pagkain at mga produktong pangkalinisan. Isa ang Mexico sa mga bansang binantaan ng US ng mas matataaas na taripa kung patuloy itong magpapadala ng langis sa Cuba. Nagpadala rin ng tulong ang ayuda ang Chile at tinawag ang blokeyo bilang “kriminal” at labag sa karapatang-tao ng mamamayan.

Samantala, direktang binalewala ng Russia ang banta ng US at nangakong magpapadala ng langis at mga produktong petrolyo sa Cuba. Nagpadala rin ng tulong ang China sa anyo ng $80 milyong ayuda at 60,000 toneladang bigas. Nagpadala rin ito ng mga solar panels para magamit ng mga residensyal na kabahayan.

Nitong Pebrero, inianunsyo ng mga organisasyon sa US ang paglalayag ng Nuestra America Flotilla tungong Cuba sa Marso para maghatid ng ayuda sa isla at makiisa sa mamamayang Cuban.

“Sinasakal ng administrasyong Trump ang mamamayang Cuba, pinuputol ang suplay ng panggatong, byaheng eroplano at mga kritikal na suplay na kailangan para mabuhay,” pahayag ni Rashida Tlaib, isang kongresistang Amerikano na nag-endorso sa flotilla. “Hindi kinakatawan ng patakaran ng kalupitan na ito ang paninindigan ng mamamayan ng United States.”

Kriminal, garapalan at di makatao

Tinawag ni Miguel Díaz-Canel ang “blokeyo sa enerhiya” ng US sa Cuba bilang “kriminal, garapalan at di makatao.” Inihalintulad niya ito sa galaw ni Hitler. Aniya, matindi ang epekto ng pagkakait ng inaangkat na langis sa transportasyon, mga ospital at pasilidad medikal, eskwelahan, turismo, at produksyon ng pagkain.

“Ang Cuba ay hindi banta sa US,” aniya. Gayunpaman, handa ang mamamayan nito na ipagtanggol ang kanilang Inang Bayan “hanggang sa huling hininga.”

Idiniin ni Diaz-Canel na bukas ang Cuba na makipag-usap sa US pero hindi sa balangkas ng panggigipit nito o sa gitna ng maraming kundisyon, kundi mula sa pusisyong ng pagkakapantay-pantay ng mga bansa at pagrespeto sa soberanya ng Cuba.

Itigil ang pagsakal sa Cuba, wakasan ang blokeyo

Kinundena ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang pinakabagong panggigipit, na huli lamang sa blokeyo ng US sa Cuba sa nakaraang mahigit 60 taon. Nagdulot na ng higit $2 trilyong pinsala sa ekonomya ng Cuba ang deka-dekada nang blokeyo na nagreresulta sa kasalatan sa pagkain at ibang batayang pangangailangan.

“Ang kamakailang mga banta laban sa lahat ng mga bansang nakikipagkalakan sa Cuba…ay maituturing na panghuling tangka ng rehimeng Trump na sakalin ang ekonomya (nito) para wasakin ang kabuhayan ng mga tao at paluhurin ang bansa sa kagustuhan (ng US).”

Nanawagan ang ILPS sa lahat ng mamamayan at kilusan sa mundo na nagmamahal sa kapayapaan na magbigay ng moral, pulitikal at materyal na pakikiisa sa Cuba sa gitna ng napakahirap nitong sitwasyon at patuloy na lumaban sa imperyalismong US.

“Sa loob ng maraming dekada…nakipaglaban ang Cuba para sa isang sosyalistang kinabukasan at ipinagtanggol ang sariling kalayaan laban sa mga atake ng imperyalismong US sa soberanya nito,” ayon sa ILPS. “Hindi lamang nito napabuti ang mga buhay ng sarili nitong mamamayan, natulungan din nito ang maraming bansa sa mundo sa pamamagitan ng pinakadakilang mga akto ng internasyunal na pakikiisa.”

The post Ayuda at suporta sa Cuba, bumuhos bilang protesta sa malupit na blokeyo sa enerhiya na ipinataw ng US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.