Kinundena ng mga grupo ng estudyante at guro ang pagpaskil ng NTF-Elcac sa labas ng mga eswelahan sa Albay ng malisyong mga poster kung saan ni-red-tag ang mga progresibong indibidwal at grupong Bicolano.

Mula Pebrero 8 ay napansin ang pagkalat ng mga poster sa mga waiting shed at sa palibot ng gusali ng College of Art and Letters at sa Gate 3 at 4 ng Bicol University (BU). Namataan din ang mga poster sa bakuran ng Legazpi City National High School sa Rawis, Legazpi City at sa loob ng Bicol College sa Daraga, Albay.

Kabilang sa mga personaheng ni-red-tag sina Pastor Rev. Dan Balucio ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP); Nica Ombao, Bicolana Gabriela Regional Coordinator; Aubrey Verzosa, Executive Director ng Tarabang Para sa Bicol, Inc. (TABI); Sherra Buen, istap ng Tabi; Julius Espadero, bise presidente ng ACT Bicol Union; Ramon Rescovilla, lider ng Piston Condor at Ranny Morada Ugalde, Tau Gamma Phi-National Associate Adjudicator.

Agad na iniulat ng mga estudyante ng BU ang mga paskil at tinanggal ang mga nakapalibot sa kanilang unibersidad. Nagpahayag ng takot at pagkabahala ang mga estudyante sa insidente.

“Hindi ako komportable. Parang may tension bigla sa kampus. Kahit hindi ako kabilang sa mga pangalan doon, nakakabahala pa rin kasi nangyari siya sa loob ng unibersidad… At saka dapat ligtas na espasyo ang kampus para sa lahat. wala dapat na ganitong klaseng pananakot,” pahayag ng isang estudyante ng BU.

Kinundena ng Bicol University-University Student Council at mga konseho mula sa 18 kolehiyo sa ginawang Red-tagging sa unibersidad. Panawagan ng mga ito ang agarang imbestigasyon at mas pinaigting na seguridad sa loob at labas ng BU.

“Ang kolektibong tugon na ito ay sumasalamin sa isang komunidad na tumatanggi na gawing normal ang panggigipit at pananakot sa mga espasyong nakalaan para sa pag-aaral at pag-unlad,” pahayag ng Rise for Education Bicol University. “Malinaw na target ng malisyosong paskil na takutin ang mga estudyante, laluna ang mga sumusuporta sa mga kampanya ng mga progresibong organisasyon. Ang mga gawaing ito ay naglalayong baluktutin ang katotohanan, siraan ang aktibismo, at hadlangan ang mga estudyante na magsalita.”

Ayon sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP) – Bicol, layon ng mga paskil na maghasik ng takot dahil sa papalapit na ika-40 anibersaryo ng EDSA sa Pebrero 25, kung saan ay inaasahan na magkakaroon ng pagkilos sa prubinsya,

Kinundena ng ACT Bicol Union ang Red-tagging kay Espadero. Ayon sa grupo, ang mga akusasyon at panggigipit kay Espadero ay hindi lamang paglabag sa kanyang karapatang-tao, kundi banta sa segauridad ng mga guro at iba pang indibidwal na aktibong nagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga nasa sektor ng edukasyon.

“Ang pagtatanggol sa mga guro ay pagtatanggol sa edukasyon. Ang paninindigan ni Sir Julius ay paninindigan para sa isang makatarungan, makabayan, at makataong sistemang pang-edukasyon ay isang layunin na hindi dapat ituring na krimen,” paliwang ng grupo.

The post Red-tagging sa mga lider ng mga progresibong organisasyon, nakapaskil sa mga eskwelahan sa Albay appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.