Mariing kinundena ng Kilusang Mayo Uno-Southern Mindanao Region (KMU-SMR) ang panggigipit ng militar kay Eduardo Capuyan, retiradong organisador ng mga manggagawa sa rehiyon.

Ayon sa grupo, dalawang lalaking nakasibilyan na nagpakilalang mga sundalo ang pumunta sa bahay ni Capuyan noong Pebrero 10 at nag-interoga sa kanya kaugnay sa ilang mga indibidwal na hinahanap ng militar. Hindi siya tinantanan sa pagtatanong kahit itinanggi niyang alam niya kung nasaan ang naturang mga indibidwal. Umalis ang mga sundalo pero nag-iwan sa kanya ng numero pang-kontak.

Ayon sa KMU-SMR, malinaw na bahagi ang panggigipit sa sistematikong kampanyang paniniil ng NTF-Elcac alinsunod sa mapaniil na National Action Plan for Unity, Peace and Development ng rehimeng Marcos. Sa nakaraang mga buwan, apat na insidente na ng sarbeylans, intimidasyon at Red-tagging sa mga organisador sa paggawa at mga aktibista na nakabase sa Davao ang naitala ng KMU-SMR.

“Manipestasyon ang mga ito ng pagbalewala ng rehimeng Marcos Jr sa karapatan ng mga manggagawa para sa malayang asosasyon at iba pa,” ayon sa KMU-SMR.

“Ang nangyari kay Capuyan ay nangyari na sa maraming aktibista sa paggawa sa nakaraan,” pahayag ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR). Malinaw na banta sa kanyang buhay at seguridad ang ginawa ng mga sundalo, anito.

The post Retiradong organisador ng manggagawa sa Davao, ginipit appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.