Kinundena ng Piston Metro Baguio sa isang pahayag noong Pebrero 12 ang anito’y “garapalang pagratsada” ng Phase 2 ng huwad na programa sa modernisasyon ng transportasyon sa syudad. Isinulong ang pag-abante ng programa matapos isagawa ang isang “coordination meeting” na nilahukan ng mga lokal upisyal ng syudad, Department of Transportation (DoTr), at World Bank noong Pebrero 5.

“Ang ginawang “coordination meeting”… ay hindi para sa ikauunlad ng serbisyo, kundi para tiyakin ang tubo ng dayuhang bangko at mga korporasyon sa kapinsalaan ng ating mga tsuper at mananakay,” ayon sa grupo. Sa naturang pulong, ipinagmalaki ng lokal na gubyerno bilang “tagumpay” ang 93% tantos ng konsolidasyon sa Cordillera. Ayon sa grupo, sa likod ng numerong ito ay ang pagkabaon sa utang ng mga tsuper at maliliit na opereytor.

Ito ay dahil ang mga kunwa’y modernong sasakyan ay binibili sa halagang ₱3.3 milyon kada isa at may buwanang hulog na aabot sa ₱33,000. “Ito ay sentensyang kamatayan sa kabuhayan ng maliliit na opereytor, lalo na sa paahon at mapanghamong mga kalsada ng Baguio, habang pinapaboran ang mga dayuhang suplayer at malalaking korporasyon,” ayon sa Piston-Metro Baguio.

Dahil sa mataas na bayarin, tantya ng grupo na itutulak ng mga kooperatiba ang minimum na pamasahe tungong ₱45-₱50 kada byahe.

“Gagawin nilang luho ang simpleng pagbyahe ng mga estudyante at manggagawa ng Baguio para lamang mabawi ang bilyong-bilyong pisong puhunan ng mga pribadong kumpanya,” ayon sa grupo.

Binatikos nito ang pakikialam ng World Bank sa pagpaplano ng transportasyon ng syudad. Katuwang ng DoTr, itinataguyod nito ang pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo pabor sa pribadong sektor.

“Ang pagpasok ng mga dayuhang institusyon sa ating lokal na pagpaplano ay pagsuko ng ating soberanya sa transportasyon,” anito. “(Ang) prayoridad nito ay ang pagbenta ng mga imported na sasakyan at hindi ang tunay na rehabilitasyon ng ating sistema o suporta sa lokal na manupaktura.”

The post Pagratsada ng palpak na modernisasyon ng transportasyon sa Baguio City, pagpabor sa dayuhang negosyo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.