Naglabas ng kautusan ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources noong Pebrero 5 para pansamantalang isuspendi ang permit sa eksplorasyon ng Woggle Corporation dahil sa “force majeure,” (akto o pangyayaring na wala sa kontrol ng may hawak ng permit). Kabilang sa mga pangyayaring ito ang pagtatayo ng barikada, mariing pagtutol at umiiral na tensyon sa pagitan ng mga residente at kumpanya.

Resulta ng tuluy-tuloy na pagtutol ng mga residente ang nakatayong barikada at mga harang sa daanan patungo sa exploration site. Sa kabila ng mga interbensyon ng mga ahensya ng gubyerno, hindi iniatras ang barikada at humahadlang ito sa “ligtas, maayos, at ligal na pagsasagawa ng mga gawaing eksplorasyon,” ayon sa kautusan ng MGB. Anito, babawiin ng ahensya ang suspensyon kapag magbago ang sitwasyon, tumigil na ang mga sigalot at maibalik ang ligtas na kundisyon para sa operasyon.

Sa kabila ng kautusan, direktang naobserbahan at naisadokumento ng grupong Kalikasan na nagpapatuloy ang eksplorasyon ng kumpanya, Wala ding ipinaskil na upisyal na abiso ang kumpanya sa komunidad o sa exploration site na nagpapabatid na suspendido ang mga operasyon nito.

Noong Pebrero 12, nagprotesta ang mga grupong pangkalikasan sa harap ng Mines and Geosciences Bureau sa Quezon City upang kundenahin ang nagpapatuloy na operasyon ng kumpanya sa kabila ng suspensyon ng permit nito. Nananawagan din ang mga grupo para sa permanenteng kanselasyon ng permit ng kumpanya at sa pagtigil sa lahat ng operasyong mina sa Nueva Viscaya.

Ayon sa mga grupong Kalikasan at Taripnong -Cagayan Valley, ang suspensyon ay bunga ng kolektibong pakikibaka ng mamamayan ng Dupax del Norte, na buong tapang at walang tigil na nagtatanggol sa kanilang tirahan, komunidad, lupaing ninuno at katubigan. Batid nilang inilabas ang kautusan upang pahupain ang galit ng mamamayan mula nang malantad ang korapsyon sa pagkakaapruba ng permit ng kumpanya nang walang lehitimong konsultasyon sa mga residente. Kita rin nila ang kabulukan ng sistema ng lipunan na pumapabor sa dayuhang interes, kasabwat ang mga lokal na burukrata kapitalista.

Nangangamba ang mga residente at kanilang mga tagasuporta na maaaring gamitin ng Woggle Corporation ang suspensyon upang bigyang-matwid ang paggamit ng militar at kapulisan para takutin sila at buwagin ang kanilang barikada. Ganito ang ginawa ng militar noon sa barikada ng Didipio laban sa OceanaGold.

Sa harap nito, patuloy na iginigiit ng mga residente at ng mga grupong pangkalikasan ang permanenteng kanselasyon sa permit ng Woggle Corporation at proteksyon sa Nueva Viscaya mula sa mapanirang operasyong mina.

The post Permit sa eksplorasyon ng kumpanyang Woggle sa Dupax del Norte, pansamantalang isinuspinde appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.