Nagprotesta ang mga grupong magsasaka at manggagawang bukid sa harap ng Department of Agriculture sa Quezon City bilang paggunita sa ika-7 taong anibersaryo ng pagpasa ng batas para sa liberalisasyon ng importasyon ng bigas (Rice Liberalization Law o RLL) ngayong araw, Pebrero 13.

“Mula noong ipinasa ang RLL…wala (na itong) ibang idinulot ito kundi dagdag na pagpapahirap sa mga magsasaka,” anila. “Tuluy-tuloy ang walang habas na pag-aangkat ng bigas habang ibinabaon sa lusak ang lokal na agrikultura. Bagsak ang presyo ng palay, bagsak rin ang kabuhayan ng mga magsasaka.”

Tinawag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang RLL bilang “bigong batas” na “pumabor lamang sa malalaking negosyante at importer habang binabarat ang presyo ng palay at pinapabayaan ang lokal na produksyon.”

Mula 2019 hanggang 2026, lumaki ang importasyon ng bigas mula 2.57 milyong tonelada tungong mahigit 5 milyong tonelada. Mula 2023, naging pinakamalaking importer ng bigas ang Pilipinas sa buong mundo. Bago nito, nasa 800,000-900,000 milyong tonelada lamang ang iniimport na bigas ng Pilipinas.

Ang sobra-sobrang importasyon ay nagresulta sa pagbulusok ng presyo ng pagbili ng palay, mula sa abereyds na ₱20 kada kilo noong 2018 tungong sa ₱14-₱16 kada kilo sa sumunod na mga taon. Dahil dito, maraming magsasaka ang nalugi at napilitang magbawas o tuluyang tumigil sa pagtatanim ng palay. Ang mga nagtuloy sa produksyon ay lalong nabaon sa utang dahil sa matataas na gastos sa produksyon sa pataba at irigasyon, at kawalan ng sapat na suporta mula sa estado.

“Napakahalaga ng palay sa lipunan, laluna ang mga magsasakang lumilikha rito, ngunit palagiang lugi, baon sa utang, kahirapan at kagutuman ang mga magsasaka,” pahayag ng Amihan National Federation of Peasant Women.

Sa kabila ng todong importasyon na inilako bilang paraan para ibaba ang presyo ng bigas, nanatiling mataas ang presyo nito sa mga palengke. Ayon sa Amihan, tumaas pa nang ₱5-10 kada kilo ang bigas noong Enero, kung saan ang pinakamababa ay ₱48-50 kada kilo sa mga palengke.

“(K)aya bangkarote ang batas dahil pabor lamang sa mga malalaking traders, importers, hoarders at smugglers at kahit mismo ang Marcos-Araneta ay pinagkakitaan ito, sila mismo ay mga sindikato sa bigas,” ayon kay Cathy Estavillo ng Amihan.

“Sa loob ng pitong taon, halos winasak ng Rice Liberalization Law ang lokal na produksyon ng palay at bigas at ang mismong seguridad sa pagkain,” ayon naman sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).

The post 7 taong gutom at pagdurusa, dala ng liberalisasyon ng importasyon ng bigas appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.