Mula Enero ngayong taon, sunud-sunod na nagsagawa ang grupong Piston ng mass filing o sabay-sabay na pagsusumite ng mga dokumento sa LTFRB para mabigyan ng probisyunal na indibidwal na awtoridad at rehistro ang kapwa ang mga di konsolidado at konsolidadong mga drayber at opereytor ng tradisyunal na dyip. Isinagawa ang mass filing bilang protesta sa pwersahan at palpak na konsolidasyon ng prangkisa at kooperatibisasyon.

Naigiit ang probisyunal na awtoridad dulot sa matatag na paninindigan at paglaban ng mga militanteng tsuper at opereytor sa pekeng programa ng modernisasyon sa transportasyon at jeepney phase-out.

Nanindigan ang Piston na ang pwersahang konsolidasyon ng prangkisa ay “pagmonopolyo, pang-aagaw at pangwawasak” sa kabuhayan ng mga tsuper. Sa isang dekada ng huwad na programang modernisasyon, 180,000 dyip ang na-phaseout sa buong bansa at 500,000 tsuper at operator ang nawalan ng kabuhayan.

“Ang mass filing protest natin mismo ay paglaban sa konsolidasyon,” anito. “Sa mass filing protest, sama-sama nating iginigiit sa estado ang karapatan natin sa ating kabuhayan.”

Hinikayat ng Piston ang lahat ng mga operator na “ilantad ang korapsyon” ng mga kooperatiba, korporasyon, at samahan” at “tuldukan ang pananamantala at panlilinlang ng mga tiwaling lider sa desperadong mga operator.”

“Bumaklas sa mga tiwaling kooperatiba, korporasyon, at samahan!” hamon ng grupo.

Pambansang laban

Mula sa National Capital Region, tumungo ang mga lider ng Piston sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong Pebrero para hikayatin ang mga drayber na magsagawa ng mass filing at kumuha ng individual provisional authority at rehistro. Ito ay habang patuloy nilang iginigiit ang pagbabalik ng 5-taong indibidwal na prangkisa at tuluyang pagbabasura ng jeepney phase-out.

Sa Metro Baguio, sama-samang nanindigan ang mga drayber at opereytor para ilantad ang korapsyon sa mga kooperatiba, korporasyon at samahan. Ibinunyag nila ang mga katiwalian sa mga ito, pangunahin ang: kawalan ng tunay na eleksyon ng mga pinuno, sobra-sobrang membership fees at iba pang bayarin, labis na kontrol ng nasa pamunuan, walang dibidendo o tamang hatian sa kita. Nariyan din ang kawalan ng transparency at ang maanomalyang paghawak ng pera na nagreresulta sa pagkakautang at paghihirap ng mga tsuper at opereytor.

“Huwag tayong magpalinlang sa mga ‘lider-transport’ at samahan na inililigaw ang landas ng ating pagkilos,” panawagan ng Piston Metro Baguio. “Ang lakas ng tsuper at opereytor ay nasa ating samahan at pagkakaisa, hindi sa pagsuko na lamang ng ating mga pinaglalaban.”

Sa Ilo-ilo at Guimaras, sabay-sabay na nag-file ng mga dokumento para sa individual provisional authority at rehistro ang mga tsuper noong Pebrero 12. Sinamahan sila si Mody Floranda, presidente ng Piston. Panawagan din nila ang pagbabasura sa hindi demokratiko, makanegosyo, at mapangwasak na Local Public Transport Route Plan (LTPRP) ng Iloilo City at Provincial Public Transport Route Plan ng Iloilo Province. Bago nito, nagtipon ang mahigit 30 samahan, pareho konsolidado at di konsolidado sa ilalim ng No To PUV Phaseout Coaliton Iloilo at Guimaras noong Enero 31.

Dumalo rin si Floranda sa diskusyon noong Pebrero 8 ng mga tsuper sa Albay at Sorsogon sa ilalim ng Condor-Piston Bicol kaugnay sa mga isyu ng mga opereytor, laluna sa korapsyon at katiwalian ng mga konsolidadong kumpanya. Nabuo dito ang kampanya ng CONDOR-PISTON mula sa iba’t ibang distrito ng Albay para sa “mass withdrawal protest“ mula sa mga konsolidadong prangkisa.

Sa Sorsogon, tinalakay ng mga drayber at opereytor ang maanomalyang planong pagruruta, na hindi ibinukas sa konsultasyon at batbat ng korapsyon.

“Sinira ng LPTRP ang kabuhayan ng mga operator at drayber sa Sorsogon kahit mga pumasok na sa kooperatiba at korporasyon, at pinahirapan ang mga komyuter sa putol-putol at mas mahal na byahe,” anila.

Monopolyong konsolidasyon, ugat ng korapsyon

Sa Albay, ibinahagi ng mga drayber at opereytor sa Piston ang mga dokumento at salaysay kaugay sa korapsyon sa programang modenisasyon.

Isa rito ang sistema ng komisyon kung saan kumikita ng ₱100,000-₱200,000 na komisyon ang mga tsirman ng mga konsolidadong korporasyon kada modernong sasakyan na bibilhin ng kumpanya. Ang tsirman ang nangungutang sa bangko, pero ang mga myembro ng “kooperatiba” ang magbabayad dito.

“Hindi ito usapin ng kooperatiba dahil pinahihintulutan ng gubyernong Marcos, ng DOTr, ng LTFRB, ang ganitong kalakaran.” pahayag ni Floranda. “Kasabwat (sa iskemang ito) mismo ang mga ahensya.”

Panawagan niya sa mga tsuper at opereytor na napilit o nalinlang sa huwad na modernisasyon, bumaklas at mag-withdraw sa mga kurakot at pekeng kooperatiba at korporasyon.

Pansamantalang indibidwal na rehistro

Inilinaw ng Piston na probisyunal o pansamantala pa lamang na awtoridad at indibidwal rehistro ang naiigiit at hindi pa nito binabaklas ang batas ng pwersahang konsolidasyon. Gayunpaman, malaking hakbang na ito tungo sa pagbabalik ng 5-taong indibidwal na prangkisa.

Inilinaw din ng Piston na maaring mag-aplay para sa probisyunal na awtoridad ang lahat ng mga gusto nito, hindi lamang ang mga namamasada sa mga rutang walang nag-oopereyt na konsolidadong kumpanya o kooperatiba.

Pahayag ng grupo, kailangan na patuloy igiit ng mga drayber at opereytor ang indibidwal na prangkisa dahil hindi ito kusang ibibigay ng rehimeng Marcos

“Taliwas sa sinasabi ng iba na dapat nating pasalamatan ang gubyerno, tuluy-tuloy ang pagkakait sa atin ng gubyerno ng ating kabuhayan,” ayon sa Piston. “Hindi natin dapat pasalamatan ang gobyernong Marcos, at dapat pa ngang singilin.”

The post Mass filing para sa indibidwal na awtoridad at rehistro, isinagawa ng grupong transportasyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.