Hindi mapapatawad ng rebolusyunaryong kilusan sa Camarines Norte ang kamakailang lantarang pagsuko, sukdulang pagkakanulo at pagtataksil sa masa na ginawa nina Marlon Asis (alyas Pots) at Julie Grace Lola (alyas Haraly). Nagtraydor sila sa masang magsasaka at uring anakpawis sa lalawigan kapalit ng makasarili nilang interes.

Lampas sa langit ang nararamdamang pagkamuhi ng mga magkokopra, magkakabud at katutubong Manide sa mag-asawang Marlon at Julie, sampu ng kanilang kasamahang nagtaksil sa rebolusyon.

Sa galit ng masa, idinedeklara silang mga “persona non grata” sa mga larangang gerilya at saklaw ng rebolusyonaryong kilusan sa lalawigan.

Kailangang ilantad ang kanilang kahayupang ginawa mula pa noong bago magtapos ang taong 2025 kung saan nagpanggap silang mga nasa mabuti pang katayuan sa kilusan para makapangalap ng impormasyon na ginamit laban sa CPP-NPA. Nagresulta ang mga ito ng magkakasunod na labanan na ikinapinsala ng Bagong Hukbong Bayan at residenteng sibilyan sa mga lugar na sinalanta ng kanilang katrayduran.

Ang kanilang pagkakanulo sa ilang personahe na isinubo nila sa pasistang militar, pagtuturo sa imbakan ng mga kagamitang militar ng BHB, at pagnakaw sa pondo ng Partido ay mga seryosong krimen laban sa rebolusyunaryong kilusan at mamamayan ng lalawigan.

Kailangang labanan at huwag pahintulutan ang kanilang pambubuyo at panlilinlang sa masa na kuno’y mahuhusay pa sila para makakuha ng impormasyon gayong ang totoo’y kasalukuyan silang aktibong nagpapagamit sa operasyon ng handler nilang 42IBPA para makapaghasik ng itim na propaganda hanggang sukdulang operasyong kombat laban sa yunit ng BHB.

Sa ngayon ay sagad na sagad na ginagamit ng pasistang kaaway ang kanilang kataksilan para pinsalain ang rebolusyonaryong kilusan. Subalit malao’t madali ay itatapon rin sila na parang gamit na basahan.

Samantala ang matagalang digmang bayan na natutunang yakapin ng uring anakpawis sa kanayunan ay di malalaos kailanman. Tiyak ang mga hakbang nitong sa muling paglakas, at malinaw na nakatanaw sa mapulang bukas ng tagumpay.

The post Itakwil ang mga Taksil na sina Marlon Asis at Julie Grace Lola! Patuloy na Biguin ang Tangkang Pagdurog ng Solcom sa CPP-NPA sa Camarines Norte! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.