Mapulang pagbati ang ipinaaabot ng Kabataang Makabayan-John Paul Calica!

Hindi aksidente ang mapunta sa ganitong landas at hindi tayo natangay lamang. Ito ay bunga nang matagal na pang-aapi at pananamantala sa ating sektor. Sinusupil tayo sa anumang paraan ng pagboses, tanging natitira sa atin ay paglaban. Ang estado mismo ang nagtulak sa atin sa ganitong buhay, dahil walang kabataan ang pipiliing talikuran ang kanyang nakagisnang komportableng pamumuhay kapalit ang pakikibaka. Dulot ito ng masidhing damdamin nang mamulat tayo sa iba’t-ibang klase ng problema sa lipunan, na bagamat hindi natin direktang nararanasan—ngunit sa paglubog sa masa, nagagawa nating makita at maintindihan ang kanilang kalagayan. Sa ganoong paraan nabubukas sa atin ang mga bagay na bagamat hindi patungkol sa atin, naiintindihan naman natin na hindi kailangan maging patungkol ito sa atin bago tayo kumilos.

Ang pagtahak sa ganitong landas ay hindi na bago at sadyang makasaysayan. Marami na itong napatunayan at napagtagumpayan, ating tandaan noong Unang Sigwa ng Unang Kuwarto ikinasa ang napakarami at sunod sunod na pag-aalsa. Kung saan pinangunahan ito ng mga kabataang makabayan. Nagresulta ang puspusang pakikibaka sa pagkalantad ng korapsyon partikular sa rehimeng Marcos Sr. Namulat din ang hanay ng iba’t-ibang sektor sa lipunan upang mas paingayin, at hindi lamang mga kabataan. Nakuha natin ang buong suporta ng taumbayan at solido itong napalakas.

At bilang paggunita sa ika-56 anibersaryo ng Sigwa ng Unang Kuwarto, may panawagan sa atin na ipagpatuloy ang militanteng diwa na pinangungunahan ng mga kabataan. Kailangan ng kabataang estudyante na lisanin ang kumportableng pamumuhay, at lahat ng uri ng kabataan na bumalikwas sa pag-aalipin ng estado, at buong puso na tahakin ang landas ng rebolusyon, sa paraan ng pakikipamuhay, at militanteng paglaban para sa interes ng masang anakpawis.

Lalo pa’t ngayon ang napakainam na pagkakataon upang mas lalong isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan. Sa kabi-kabila ng tumitinding represyon tulad ng mga ipinatutupad sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.— NTF-ELCAC; SBDP, NAP-UPD, MFO at iba’t-ibang anyo ng pasismo na tanging sagot ng reaksyunaryong estado. Ang paglalagak ng sobra-sobrang pondo para sa mga militar at iba pang kontra insurhensya na lilipol sa mga rebolusyunaryo, ngunit hibang ang rehimeng US-Marcos, dahil hindi nila masisiil ang rebolusyon sa pamamagitan ng pandadahas, pambobomba, pamamaril at pandudukot, dahil kailanman, hindi tao ang rebolusyon na kayang buwagin ng isang bala. Sapagkat ito ay isang nag-aalab na diwa! Dulot ng matagal nang panunupil at pangbubusabos sa karapatan ng mamamayan!

Nariyan ang mga batayan na nagdudulot lamang sa mas lalong pagkatulak ng mga kabataan na tunguhin ang ganitong landas, tumungo sa kanayunan at tumangan ng armas. Kaya nararapat lamang na tayo ay magpatuloy, mas maging masikhay sa pagkilos, pataasin ang moral at ideolohiyang gumagabay tulad ng MLM at higit sa lahat, ang tumungo ang mga rebolusyonaryong Kabataan sa Kanayunan, lisanin ang komportableng pamumuhay, makipamuhay sa masang anakpawis at makiisa sa kanilang ipinaglalaban.

Iniimbitahan ng KM John Paul Calica ang lahat sa nararating na pagkilos ukol sa anti-corruption sa nalalapit na ika-apatnapung taon ng Edsa People Power Movement. Apatnapung taon ang nakalipas mula nang mapatalsik ang diktadura, ngunit nananatili ang pagsasamantala, kahirapan, at pagbaluktot sa katotohanan. Bilang Kabataang Makabayan, hindi tayo papayag na malibing sa limot ang tunay na aral ng kasaysayan.

Sa darating na Pebrero 25, muli nating patunayan na ang kapangyarihan ay nasa kamay ng nagkakaisang mamamayan. Hindi lamang ito pag-alaala; ito ay pagpapatuloy ng pakikibaka para sa tunay kalayaan at tagumpay na hinahangad.

Sumama, kumilos, makiisa sapagkat alam natin na ang tanging sagot sa kasukdulang kasakiman, korapsyon, kahirapan ay Digmang Bayan.

Ating isapuso’t isip tiyak ang tagumpay sa panahon na tayo ay magpasya.

The post Mabilis ang agos ng aktibismo, tinangay nito ang maraming tao appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.