Nagprotesta sa upisina ng Ministry of Labor ng Taiwan ang mga manggagawa ng Taidoc Technology Labor Union katuwang ang orgaisasyon ng mga manggagawa at kabataang estudyante noong Pebrero 9. Kinundena ng unyon ang pagtanggal ng kumpanya sa presidente ng unyon sa trabaho. Inaakusahan ang presidente ng paglulunsad ng “iligal” na strike. Ayon sa unyon, bahagi ang pagtatanggal sa presidente nito sa tangka ng kumpanya na sikilin ang unyon. Ito ang ikatlong beses na nagprotesta ang unyon sa kagawaran ng paggawa.

Nagdesisyon ang unyon na muling maghain ng petisyon sa ahensya para pormal na pa-imbestigahan ang kumpanya. Nananawagan din sila sa ahensya na magbuo na ito ng pasya hinggil sa tangkang panghihimasok ng pamunuan ng Taidoc sa unyon at pagwawalang-bahala nito sa batas at pagyurak sa mga karapatan ng mga manggagawa. Anito, kung mapatutunayang iligal ang pagtanggal ng kumpanya sa trabaho sa mga manggagawa, hinihiling ng unyon sa ahensya na ipa-freeze ang pagpapahintulot sa Taidoc na kumuha ng dayuhang manggagawa.

Bagamat nangako ang Ministry of Labor na iimbestigahan ang reklamo laban sa Taidoc alinsunod sa batas, hindi ito sasapat. Ayon sa unyon, ang tugon ng ahensya ay walang ipinapakitang interes na ipagtanggol ang karapatan ng mga manggagawa. Wala ding itong ipinapakitang sinseridad o pag-aalala sa kalagayan ng dating presidente ng unyon, at walang ibinigay na katiyakang maari pa siyang manatili sa bansa matapos siyang tanggalin sa trabaho.

Ayon sa unyon, sa kabila ng ilang beses na naglunsad ng mediation sa management, hindi pa rin siniseryoso ng kumpanya ang panawagan ng unyon. Maliban sa pagtanggal sa trabaho sa presidente ng unyon, dineklara siya bilang hindi mabuting manggagawa sa ibang mga pagawaan. Inaakusahan din ng kumpanya ang mga upisyal na “nagpapakalat ng impormasyon tungkol sa isang iligal na welga” at “nagdudulot ng negatibong opinyong publiko laban sa kumpanya.”

Nangangamba ang unyon na magtatanggal pa ng mga myembro nito sa mga susunod na panahon. Simula ng mabuo ang unyon noong Oktubre 2025, walang tigil ang kumpanya sa paninira rito t panggigipit sa presidente nito.

“Kami ay mga manggagawa at tao, tiyak na hindi mga alipin ng kumpanya. Bagama’t nalulungkot kami sa pangyayari, nananatili kaming matatag. Hindi kami mawawalan ng pag-asa, Kung patuloy na babalewalain ng kumpanya ang aming karapatan, patuloy kaming titindig at hindi matatahimik!” pahayag ng unyon.

The post Mga upisyal ng unyon, tinanggal sa trabaho ng Taidoc Technology sa Taiwan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.