Hindi pa rin natutunton ng kanyang pamilya ang 60-taong gulang na magsasakang si Lolly Alperto mula nang dukutin ng mga sundalo ng 47th IB noong Enero 31. Si Alperto ay namimitas ng kape malapit sa kanyang bahay sa Sityo Agpapataw, Barangay Binobohan, Guihulngan, Negros Oriental nang dinukot ng militar.
Ayon sa pamilya ni Alperto, batid nilang nasa kamay ng mga sundalo ang kanilang kaanak. Naiulat rin na pinaulanan si Alperto ng bala ng mga sundalo at tinatayang nasugatan mula rito bago dinukot.
Ang patuloy na pagkawala ni Alperto ay nagdudulot ngayon ng takot at pangamba sa kanyang pamilya at maging sa mga residente ng Barangay Binobohan. Banta rin ang kanyang pagkawala sa karapatang mag-organisa ng Kapunungan sa Gagmay’ng Mag-uuma sa Oriental Negros (KAUGMAON)-Guihulngan Chapter.
Sa isang pahayag, sinabi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) na ang pamamaril at pagdukot ng 47th IB kay Alperto ay kasabay ng insidente ng sadyang pagpatay ng mga sundalo sa mag-asawang Pulang mandirigma na Gemodo sa parehong sityo. Sugatang nadakip at binaril sina Pedro Gemodo, 61, at Juliana Arculo Gemodo, 63.
Ayon kay Ka JB Regalado, tagapasalita ng BHB-Central Negros, ang magkahiwalay na insidente na pag-atake ng 47th IB ay parehong labag sa internasyunal na makataong batas at sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), na pinirmahan kapwa ng National Democratic Front at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.
Sa partikular, nilabag ng pamamaril at pagdukot ng militar kay Alperto ang Ika-4 na Bahagi (Paggalang sa Internasyunal na Makataong Batas), Artikulo 4, Numero 4 ng CARHRIHL: “Ang sibilyang populasyon at mga sibilyan ay itatrato bilang sibilyan at ipag-iiba sa mga mandirigma at, kasama ang kanilang ari-arian, ay hindi maaaring atakihin.”
Nanawagan ang pamilya ni Alperto na agad siyang ilitaw nang buhay at palayain mula sa kamay ng 47th IB.
The post 60-anyos na magsasakang namimitas ng kape, dinukot ng 47th IB sa Negros Oriental appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

