Paulit-ulit lamang ang gasgas nang pahayag ng Armed Forces of the Philippines sa pagsasabing magwawakas na ang armadong paglaban ng mamamayan na pinamumunuan ng CPP-NPA.

Sa pinakahuling paghahambog, inihanay ni Heneral Cerilo Balaoro, Jr, Commander ng Southern Luzon Command, ang pangalan ng mga umano’y sumukong kasapi ng rebolusyonaryong kilusan. Ang mga binanggit ng Heneral, ay mga karaniwang residente na di-armado at pinaghihinalaan lamang nila, at nagkataong nasa saklaw ng sonang gerilya.

Ang mga ipinresenta nilang armas panggera na natuklasan kuno sa mga nakaimbak at nakatagong lugar, ang karamihan ay niresiklo. Mga kagamitan itong dati na nilang inilabas na binabagu-bago lamang ang presentasyon para magmukhang “panibagong natuklasan”.

Hindi na magkatugma ang kabuuang pinalobong bilang ng kanilang napasuko sa idineklara nilang bilang ng kasapi ng CPP-NPA, pati na ang itinuturing nilang taga-suporta.

Lipas na kuwento na ito, katulad nang lumipas na deadline nila sa pagdurog sa kilusan noong katapusan ng 2025. At kung talagang malapit nang magwakas, bakit lalong tumambak ang pwersa ng AFP sa kanayunan at tinaasan pa ang sweldo ng mga berdugo para itaas diumano ang mga moral ng mga ito?

Noong huling bahagi ng Disyembre 2025, ibinalik ang 74th IBPA sa ilalim ng 2nd ID at ipinakat sa Mindoro galing sa Eastern Visayas region noong 2023. Bago pa ito, naiulat din ang pagdagdag ng isang kumpanya ng 5th Scout Ranger Batallion na sa Mindoro rin itinalaga.

Ganito rin sa Quezon-Bicol Zone at sa kahabaan ng Sierra Madre sa bahaging Rizal kunsaan di-bababa sa tig-tatlong batalyong pangkombat ng Philippine Army ang nakadeploy sa mga naturang hangganan. Noong Disyembre 2025 lamang, ipinakat ang 4th IBPA na dati’y nasa Mindoro sa hangganan ng Laguna at Rizal.

Ang ganitong larawan ay hindi sumasalamin sa pagwawakas ng rebolusyunaryong kilusan. Ito ay nangangahulugang nananatiling pangunahing banta sa paghahari ng rehimeng US-Marcos ang CPP-NPA at mamamayang namumulat sa kanilang kaapihan dulot ng grabeng kahirapan na pinapalala ng korapsyon sa loob ng bulok na pamahalaan.

Hindi kataka-taka kung bakit itinaas nito ang sweldo ng mga militar at iba pang unipormadong personahe na epektibo noong Enero 1. Pinondohan ng rehimen ang mga militar para lamang ipagtanggol ang sariling interes. Ang badyet sa depensa para sa 2026 ay inaasahan nilang nasa ₱295.18 bilyon. Desperadong hakbang ng amo nilang si Marcos para tiyakin ang katapatan at pasunurin sa kagustuhan ng mga naghaharing uri. Samantala, para sa matataas na heneral ng pasistang AFP, oportunidad ito para sa mas malaking makukulimbat na pera sa pamamagitan ng walang puknat na operasyon nila sa kanayunan na sa pinakahuling pagtataas ay aabot ng kulang ₱2 milyon ang sweldo sa loob lamang ng isang taon.

Para sa rebolusyunaryong mamamayan, napapanahon para lalong itambol at palakasin ang paglaban sa pasistang AFP-PNP-CAFGU. Dapat ilantad at pasubalian ang pagkakalat nito ng mga pekeng balita at disimpormasyon habang ikinikintal ang digmang bayan sa puso at isip ng masang anakpawis. Sa diwa ng katotohanan at katarungan, hindi kailanman mamamatay ang rebolusyunaryong kilusan sa Timog Luzon at buong bansa bagkus patuloy na susulong hanggang magapi ang pasistang estado.

The post Sirang-plaka, recycled na pangarap ng Solcom sa pagdurog sa CPP-NPA appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.