Nagprotesta ang daan-daang manininda ng Carbon Market sa Briones Street, Cebu City noong Pebrero 5 para muling ipanawagan ang pagrebyu o tuluyang pagbasura sa pribatisasyon sa palengke. Nasapribado at naipailalim sa pangangasiwa ng Cebu2World Development Inc. (C2W) ang palengke alinsunod sa Joint Venture Agreement (JVA) nito sa lokal na gubyerno ng syudad.
Pinirmahan ng lokal na gubyerno ng Cebu City ang JVA sa Megawide Construction Corporation noong Enero 11, 2021. Noong Mayo 27, 2021, inilipat ang kasunduan sa C2W.
Sa pangunguna ng Carbonhanong Alyansa alang sa Reporma ug Bahandianong Ogma sa mga Nanginabuhi, ipinahayag ng mga manininda at tagasuporta ang kanilang takot na tuluyang mawalan ng kabuhayan dahil sa pribatisasyon. Ang alyansa ay binubuo ng tatlong samahan sa Carbon Market, mga residente ng kalapit na sityong mapalalayas ng pribatiasyon, at mga tagasuporta.
Itinaon ang pagkilos sa isinagawang porum at “konsultasyon” ng C2W Megawide kaugnay ng pribatisasyon sa palengke na tinatabingan nito ng katawagang “redevelopment” o pagpapaunlad. Sumugod sa porum ang mga nagprotesta at nagtaas ng kani-kanilang mga panawagan.
Binatikos ng alyansa ang mabilisang konstruksyon ng korporasyon sa palengke, ang pekeng “konsultasyon,” at ang planong pangunguklekta ng bayad sa renta. Sa isang sulat ng C2W sa lokal na gubyerno ng Cebu City noong Enero 27, ipinabatid nitong magsisimula na ang kumpanya na maningil ng renta sa mga manininda sa palengke sa Pebrero 15.
Maliban rito, nanawagan ang alyansa sa lokal na gubyerno laluna sa ika-17 Sangguniang Panlungsod ng Cebu City na magsagawa ng buong pagrebyu sa JVA. Anila, kung mapatutunayan sa pagrerebyu sa kasunduan na malaking disbentahe ito sa mamamayang Cebuano ay marapat lamang umano itong ibasura. Kinwestyon na rin sa Korte Suprema noong Enero 16 ang pagiging konstitusyunal ng JVA sa pamamagitan ng isang petition for certiorari.
Nagpahayag ng suporta ang Anakbayan-Cebu sa nagpapatuloy na laban ng Carbonhanong Alyansa. Anang grupo, hindi matatakasan ng kumpanya ang galit ng mamamayan lalo ng mga manininda sa Carbon na batid na iskema lamang ang pribatisasyon para kumita ng malaking pera ang iilang negosyante.
“Tumitindig ang Anakbayan Cebu kasama ang mamamayan ng Carbon upang tutulan ang proyektong magdudulot ng pagtataas ng renta, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at pagkawala ng hanapbuhay ng mga manininda,” pahayag ng grupo. Nakiisa sila sa panawagan ng alyansa na ibasura ang JVA at nanawagan sa lokal na gubyerno na magpatupad ng mga patakarang titiyak sa kabuhayan at demokratikong karapatan ng mga Cebuano.
Sa pagharap ng Carbonhanong Alyansa laban sa pribatisasyon, pinatibay nito ang pagkakaisa para ipagtanggol at protektahan ang Carbon Market at tutulan ang anumang makapipinsala sa mga manininda, komunidad at interes ng publiko. “Ang pagkakaisa ang ating lakas, at ang pagkakaisa ang magiging susi sa ating tagumpay,” ayon sa alyansa.
Sa pribatisasyon ng palengke, tinatayang 12,000 manininda at trabahador ang mawawalan ng pwesto. Dagdag dito, tinatayang 700 kabahayan ang idedemolis sa katabing Sityo Bato, Barangay Ermita na sasaklawin ng konstruksyon ng bagong mga gusali.
The post Daan-daang manininda at tagasuporta ng Carbon Market, muling nagprotesta kontra pribatisasyon ng palengke appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

