Naglunsad ng serye ng mga aktibidad ang mga taong-simbahan at manggagawa noong Enero 31 hanggang Pebrero 2 para itaguyod ang karapatan sa paggawa. Tinipon nito ang ilandaang manggagawa para patibayin ang kanilang pagkakaisa para sa karapatan at paglaban sa malawakan at sindikatong korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Noong Enero 31, mahigit 300 lider-manggagawa at mga kinatawan ng iba’t ibang unyon ang dumalo sa inilunsad na asembliya ng konsultasyong paggawa sa Quezon City ng Caritas Philippines, grupo sa ilalim ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Ang Caritas ay kasalukuyang pinamumunuan ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza. Nagsisilbi rin siyang tagapangulo ng Church People-Workers Solidarity (CWS).

Lumahok sa mga aktibidad ang mga unyon, pederasyon, panrehiyong balangay, at pangmasang organisasyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU). “Sulong tungo sa mas mahigpit na pagkakaisa ng mga manggagawa laban sa katiwalian at para sa tunay na pagbabago!” pahayag ng KMU.

Noong Pebrero 1, isang hiwalay na pagtitipon ang inilunsad ng CWS. Muling dumalo sa aktibidad ang KMU. Pinagtibay dito ng mga manggagawa at taong-simbahan ang pangangailangan ng mahigpit na ugnayan at pagtutulungan upang makamtan ng mga manggagawang Pilipino ang isang buhay na kasiya-siya at may dangal.

Kinabukasan, Pebrero 2, naglunsad ng aktibidad ang Iglesia Filipina Independiente sa Maynila para ipagdiwang ang ika-124 anibersaryo ng Union Obrera Democratica (UOD). Itinatag ito noong 1902 sa Cine Variadades, Sampaloc sa Maynila. Pinangunahan ang pagtatatag ni Isabelo “Don Belong” de los Reyes kung saan dumalo ang 140 na delegado mula sa iba’t ibang unyong pinamumunuan ng Union de Litografos de Impresores de Filipinas.

Mula rito, nanguna ang UOD sa ilang malalaking pagkilos sa Pilipinas kabilang ang 70,000 nagprotesta noong Hulyo 4, 1902 para sa kalayaan mula sa US; ang pangkalahatang welga noong Agosto 1902 nang ipagkait ng US ang kahingian ng mga manggagawa para sa dagdag-sahod; at 100,000 sa kauna-unahang pagdiriwang ng Mayo Uno sa bansa noong 1903, dala ang panawagang: “Kamatayan sa Imperyalismo!”

The post Mga taong-simbahan at manggagawa, naglunsad ng mga aktibidad para itaguyod ang karapatan sa paggawa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.