Kaisa ng sambayanang Pilipino at lahat ng uring anakpawis sa buong daigdig, ang Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan ay nagpupugay at nagdiriwang sa dakila at katangi-tanging buhay ni Kasamang Jose Maria Sison sa kanyang ika-87 kaarawan. Sa araw na ito, muli nating sariwain ang kanyang diwang lipos ng buong-puso at walang pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanang api, ang kanyang matapang at mapangahas na pagsalunga sa agos ng imperyalismo at kontra-rebolusyon, at ang pamumuno at paggabay sa rebolusyong Pilipino para palayain ang bayan sa kuko ng imperyalismo at kamtin ang sosyalismo. Magbalik-aral tayo sa kanyang mga akda, na nagsilbing teoretikal na pundasyon sa pagsusuri at batayan ng pampulitikang sandata ng mamamayang Pilipino sa paggapi at pagpapabagsak sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Sa okasyon ding ito, muli nating itanghal si Ka Joma sa bagong henerasyon ng mga kabataang Pilipino na nagbabangon para pag-aralan ang lipunan hindi lamang para unawain kundi sikaping baguhin ito. Tulad ng maraming kabataang Pilipino, si Ka Joma ay namulat sa kinagisnan niyang bulok na sistema ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Hindi napagtakpan ng marangya at prebilihiyadong uring kanyang pinagmulan ang umaalingasaw na baho ng lipunan dahil nanuot na sa himaymay nito ang kabulukan at kasakiman ng iilan na siyang nagdudulot ng ibayong kahirapan at ligalig sa mamamayan. Ang mga ito ang nagtulak kay Ka Joma na mag-aral at magsaliksik mula sa mga teorya para paliwanagin ang dilim na nababanaag nya sa lipunan. Mula sa pagkawasak, muli niyang itinatag ang Partido sa tanglaw ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at iginuhit ang landas ng rebolusyonaryong paglaban tungong sosyalismo. Ngunit hindi ito basta lamang nagawa ni Ka Joma, at ng kanyang mga kapwa kabataang nangahas makibaka sa panahong iyon. Ito ay iniresulta ng dekadang pagpapahinog (fermentation) ng kamulatan ng masa para ihanda sa isang panibagong yugto ng pagsulong na iniresulta ng isang malawak at malaganap na kilusang propaganda sa pangunguna nina Ka Joma.

Ang pagkahinog na ito ang puhunan hindi lamang sa muling pagtatatag ng PKP at BHB kundi sa pagdaluyong ng kilusang masa pagpasok ng 1970 na tinaguriang Sigwa ng Unang Kwarto. Niyanig ng mga kilos-protesta ng mga kabataan, manggagawa, malaproletaryado, magsasaka ang lansangan ng Maynila at iba’t ibang bahagi ng bansa para hamunin, batikusin at singilin ang noo’y papet na rehimen ni Ferdinand Marcos Sr. Sa mga pagkilos na ito, dumagundong ang sigaw ng bayan para sa rebolusyon bilang tanging solusyon sa kahirapan at miserableng buhay ng sambayanang Pilipino. Dahil sa matinding takot, ipinatupad ni Marcos ang diktadurang militar sa buong bansa sa hibang na layuning kitlin-sa-usbong ang noo’y batang-batang rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng PKP, ngunit nabigo si Marcos Sr. at bumwelta lamang sa kanya ang kahibangan niyang ito. Lalong pinag-alab ng lantarang pasismo ng estado ang apoy ng galit ng bayan laban sa estado at imperyalismo na nagtulak sa kanilang sumama sa mga protesta sa lansangan, lihim na mag-organisa at mag-aral, at tumungo sa kanayunan upang palakasin ang nagbibinhing armadong pakikibaka.

Sa kasalukuyan, nakaharap ang bayan sa isang dambuhalang isyu ng korapsyon sa ilalim ng bagong henerasyon ng mga Marcos—subok na papet ng US, korap, magnanakaw, at pasista. Sa gitna ng lalong pagtindi ng krisis panlipunan sa Pilipinas dahil sa ibayong pagkabulok ng malakolonyal at malapyudal na sistema, hinahamon ang bagong henerasyon ng kabataang Pilipino na sundan ang yapak at buhay na pinili ni Ka Joma. Nananatili pa rin ang pangunahing problema ng bayan bago pa ang kapanahunan ni Ka Joma hanggang ngayon—ang pamamayani ng tatlong salot sa lipunang Pilipino na pangunahing nang-aapi at nagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Tulad ng kanyang naging mayamang tradisyon mula sa panahon nina Jose Rizal, Andres Bonifacio at Emilio Jacinto na binuhay ni Ka Joma at ng Kabataang Makabayan, tungkulin ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyan na ilunsad ang isang malawakang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa sariling sektor at buong bayan para labanan at wakasan ang pang-aapi at pagsasamantala.

Dapat nilang ilunsad ang malawakang propaganda-edukasyon at ahitasyon sa malawak na masa ng sambayanan hinggil sa kabulukan ng lipunan at ipaliwanag ang solusyon sa kanilang pang-araw-araw na suliranin. Dapat nilang ilunsad ang isang kampanyang pag-aaral hinggil sa lipunan at rebolusyong Pilipino, sa imperyalismo at teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Dapat na makipag-aralan sila sa masang anakpawis—sa mga manggagawa, mala-manggagawa at magsasaka at makipamuhay kasama nila. Sa pamamagitan nito, higit nilang mauunawaan na ang pambansang kalayaan at demokrasya ay hindi makakamit sa pamamagitan ng paninikluhod sa estado at amo nitong imperyalismo kundi pinaglalaanan ng buong-panahon ng mahirap na pakikibaka at paglaban sa iba’t ibang pamamaraan, at pinag-aalayan ng pawis at dugo. Dapat nilang isagawa ang rebolusyong pangkultura upang labanan ang mga samu’t saring kaisipang ipinalalaganap ng imperyalismo at lokal na naghaharing uri tulad ng post-modernismo, peti-burges na suhetibismo na nagpapalaganap ng hindi siyentipikong pag-iisip, kawalang pakialam sa lipunan, pagkamakasarili, pagiging sunod-sunuran, kontra-manggagawa at anakpawis atbp at ibandila ang proletaryo, rebolusyonaryo, anti-imperyalista, makabayan, makamasa’t siyentipikong kaisipan, aktitud at gawi.Dapat nilang harapin at labanan ang iba’t ibang opensiba ng estado laluna ang pagkriminalisa sa kritikal na pag-aaral at pagsusuri sa lipunan, ang pagdemonisa sa makatwirang paglaban nila para maghari ang takot, kawalang-kibo at pananatili ng kasalukuyang bulok na kaayusan. Dapat nilang ilantad at labanan ang mga pekeng organisasyong itinatayo ng AFP at NTF-Elcac at mga batas ng estado na naglalayong kitlin ang natitirang espasyo para sa kalayaang akademiko at kalayaan sa pamamahayag. Dapat nilang ibasura ang paninira sa kapwa nila kabataang tumitindig sa katotohanan at paghahanap ng solusyon sa dinaranas na kahirapan tulad nina Jerlyn Doydora, Stephanie Borinaga at Chantal Anicoche. Bagkus, dapat nilang pagpugayan ang mga ito at lahat ng kabataang matapang na tumitindig laban sa pasismo ng estado.

Pinalalambot ng di na maitagong baho ng kapalpakan at pagkagahaman ng rehimeng Marcos II at buong burukrata-kapitalistang sistema ang matabang lupa para mamulat ang malawak na masa ng sambayanan at kumilos para sa rebolusyon. Ito ang kailangang sagpangin ng mga kabataang Pilipino bilang tagapamandila ng militanteng pagkilos at pakikibaka sa buong bayan at gampanan ang mahalagang papel sa pagpapadaluyong ng kilusang masa sa buong bansa. Tinatawagan namin ang lahat ng kabataang Pilipino sa rehiyon at buong bansa kasama ang masang api at pinagsasamantalahan na sa araw na ito ng kapanganakan ng dakilang Jose Maria Sison, marubdob nating ipanata sa dambana ni Ka Joma, sa Partido at sambayanang Pilipino ang ating ubos-kayang pagpupunyaging isulong ang demokratikong rebolusyong bayan gaanuman kahirap at kalupit ang ating kakaharapin. Kailangang tupdin ng mga kabataang Pilipino ang tungkulin nilang isulong ang matagalang digmang bayan, laluna ang armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng pulang kapangyarihan (baseng masa) sa kanayunan at gampanan ang kanyang natatanging papel sa pagpapanibagong-sigla ng armadong pakikibaka sa buong bansa. Hawakan natin nang mahigpit ang bilin ni Ka Joma na dalhin sa tagumpay ang di magagaping rebolusyong Pilipino!

The post Kabataang Pilipino, hawakan ang militanteng diwa at pamana ni Ka Joma sa paglaban sa burukratang kapitalismo at bulok na naghaharing sistema! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.