Pinagpugayan at pinarangalan ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) si Reynalde Erecre (Kasamang Amek), myembro ng Komite Sentral at kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Negros Island. Binansagan siya ng Komite Sentral na “magiting na komunista at bayani ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino.”

Namartir si Erecre noong Enero 30 nang madakip at sadyang patayin ng 94th IB sa Sit­yo Api­tong, Ba­ra­ngay Bi-ao, Bi­nal­ba­gan, Neg­ros Occi­den­tal. Natunton siya ng mga sundalo noong alas-4 ng hapon. Bago nito, inatake ang yunit ng BHB na kinapapalooban ni Erecre noong alas-2 ng madaling araw sa parehong sityo.

Dinakip at sadyang pinaay ng 94th IB si Erecre, sa halip na kilalanin ang kanyang katayuan bilang bihag sa digma sa ilalim ng batas sa digma, o kahit sa ilalim ng reaksyunaryong batas. Gumamit ng labis-labis na bala ang mga sundalo dahilan kung bakit hindi na makilala ang kanyang labi.

Ayon sa Komite Sentral, nagpipiging sa bangkay ni Erecre ang mga imperyalista, burges komprador, malalaking panginoong maylupa laluna at sa mahabang panahon ay tinik siya sa lalamunan ng mga reaksyunaryong uri. “Sa kabilang panig, ang kamatayan niya’y ipinagdadalamhati ng buong sambayanan, simbigat ng bundok ng Kanlaon na nakadagan sa puso, laluna ng mga manggagawa, ng masang magsasaka, mga manggagawang-bukid at lahat ng nagpapagal na dumaranas ng pinakamasasahol na anyo ng pagsasamantala at pang-aapi,” pahayag nito.

Dagdag ng pamunuan, “ang dugong ibinuhos ni Ka Amek ay lalong nagpataba ng lupa ng rebolusyon, kung saan ay uusbong ang mga bagong sibol na anak ng bayan na magpapatuloy ng hindi pa tapos na himagsikan.” Anito, lubos na nakahanda ang mga kadre ng Partido sa Negros Island na tanganan mga tungkulin at responsibilidad na iniwan ni Erecre.

Samantala, nagpaabot ng lubos na pakikiramay ang Partido at buong rebolusyonaryong kilusan sa asawa, mga anak at kapatid ni Erecre.

Buhay at kasaysayan ng pagkamulat

Isinilang si Erecre sa bayan ng Maco, Davao de Oro (dating Compostela Valley) noong 1974 mula sa mababang saray ng petiburgesya. Kumuha siya ng kursong BS Education sa University of Mindanao sa Tagum City. Limang taon siyang nagtrabaho bilang manggagawang kontraktwal sa pabrika ng plywood upang tustusan ang kanyang pag-aaral.

Sa kanyang kabataan ay nakabisita si Erecre sa isang kampo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Dahil personal ma dinanas ang kahirapan at pang-aapi, madali niyang naintindihan at niyakap ang rebolusyonaryong adhikain. Nagpultaym siya sa BHB noong 1996 at naging kasapi ng Partido noong 1997.

Sa isang kumperensya noong 1999, nahalal siya bilang myembro ng Komiteng Larangan ng Partido. Sa BHB, naitalaga siyang ikalawang platun lider ng sentro de grabidad sa erya. Naging bahagi si Erecre ng yunit partisano ng BHB sa Cebu at Bohol. Isa rin siya sa mga nanguna sa mapangahas na reyd sa hedkwarters ng PNP sa Bohol noong Hunyo 1999 kung saan nasamsam ang mahigit sa 80 armas.

Noong 2002, inihalal siya bilang kagawad ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Central Visayas sa isinagawang kumperensya. Dalawang taon makalipas, itinalaga siyang pampulitikang instruktor sa itinayong platun sa Southeast Negros at sa taong iyon ay hinirang na kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon ng Central Visayas.

Noong 2013, naging platun leader si Erecre sa itinatag na panrehiyong sentro de grabidad sa ilalim ng Komiteng Rehiyon sa Negros Island, at pagkalipas ng tatlong taon, ay hinirang na kumander ng kumpanya nito. Noong 2019, itinalaga siya bilang panrehiyong kumander ng BHB sa Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command). Sa kanyang pangangasiwa, naging masigla ang mga taktikal na opensiba at armadong aksyon ng hukbong bayan sa isla.

Noong 2023, humalili si Erecre bilang kalihim ng Komiteng Rehiyon ng Partido sa Negros Island. Gumampan si Erecre ng malaking papel sa paglalapat ng mga aral ng kilusang pagwawasto sa isla. Nakonsolida niya ang Komiteng Rehiyon sa pamamagitan ng pangunguna sa mga namumunong kadre dito sa pagpuna-sa-sarili. Noong 2025, hinirang siyang kagawad ng Komite Sentral ng Partido.

Panata ng BHB-Negros Island

Mahigit isang linggo mula nang namartir ang kadre militar at pampulitikang komisar ng BHB-Negros Island na si Erecre, idineklara ng panrehiyong kumand na nagkakamali ang pasistang rehimeng US-Marcos sa pag-aakalang magugupo nito ang rebolusyonaryong kilusan sa isla.

“Hanggang patuloy ang pag-iral ng pundamental na mga problema ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, maraming Negrosanon ang magsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka hanggang sa malubos ito at ganap na tagumpay,” ayon kay Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng BHB-Negros Island.

Samantala, pinarangalan rin ng BHB si Joem Go­lez na namartir sa pag-atake ng 94th noong umaga sa araw na iyon. Isa si­yang is­tap sa ga­wa­ing me­di­kal ng pan­re­hi­yong ku­mand ng BHB. Nag­mu­la si­ya sa uring ma­hi­rap na mag­sa­sa­ka at re­si­den­te Ba­ra­ngay Quin­tin Re­mo, Moi­ses Pa­dil­la. Su­ma­pi siya sa huk­bong ba­yan noong 2016.

The post Lider ng Partido sa Negros Island, pinarangalan ng Komite Sentral appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.