Ikinabahala ng mga progresibong grupo sa isla ng Panay ang pinirmahang Memorandum of Understanding (MOU) ng Aklan State University (ASU) at ng 82nd IB ng Philippine Army noong Enero 26. Ayon sa mga grupo, ang kasunduan ay mapanganib na panghihimasok ng militar sa sibilyang mga espasyo at lumalabag sa akademikong kalayaan.

Sinasabing layunin ng kasunduan ang pagbubuo ng “tulungan sa pagtuturo, pananaliksik at pagtugon sa pangangailangan ng mga komunidad.” Ilan sa mga partikular na tinukoy nitong erya ng “tulungan” ang pagtreyning ng Arnis, pagtugon sa sakuna, suporta sa programang NSTP at ROTC, at mga inisyatiba ng pangangalaga sa kalikasan.

Ayon sa League of Filipino Students (LFS)-Panay, ang pagkamit sa mga isinaad na layunin ay hindi dapat maglagay sa bingit ng panganib sa mga estudyante, guro, at iba pang myembro ng unibersidad. Dagdag nito, may kasaysayan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng pagbalewala sa akademikong kalayaan at demokratikong karapatan, at katunayan ay ginagawa pa rin ito sa kasalukuyan.

Anito, isinasagawa ng AFP ang mga atakeng ito sa karapatan at kalayaan alinsunod sa “whole of nation approach” sa kampanyang kontra-insurhensya na nakabalangkas sa US Counterinsurgency (COIN). “Ang panghihimasok sa mga institusyon sa edukasyon ay naging palagiang taktika ng AFP upang guluhin ang mga espasyong nakalaan para sa kritikal na diskurso at suporta sa mga inaaping sektor,” pahayag ng LFS-Panay.

Kadugtong din ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD) ang pagpirma ng kasunduan sa pagitan ng ASU at 82nd IB, ayon sa Panay Alliance Karapatan. Anang grupo, sa pamamagitan ng mapanlinlang na planong ito, pinalalabo ng gubyerno ang pagkakaiba ng mga aspetong militar at sibilyan sa buhay, at nilalayon na paigtingin ang pagmamanman, intimidasyon at panunupil sa mamamayan at mga organisasyon na arbitraryo nitong binabansagan na mga kaaway ng estado.

Ayon naman sa Panay Alliance Karapatan, nililikha ng plano ang mapaniil na sitwasyon para sa mga estudyante at indibidwal na nagnanais pag-aralan ang mga usapin sa lipunan at itaguyod ang kanilang mga adbokasyia laban sa mga kontra-mamamayang mga patakaran ng estado.

Nanawagan ang mga grupo sa administrasyon ng ASU na muling pag-isipan ang pinirmahan MOU at sa halip ay pagtibayin ang pagtatangagol sa akademikong kalayaan at demokratikong karapatan ng mga sektro sa unibersidad.

Ang ASU ay kabilang rin sa mga “nagsuko” ng “subersibong” mga librong nasa mga silid-aklatan sa kampus sa mga pulis ng Aklan noong Setyembre 2021. Hindi bababa sa 13 mga libro at dokumento mula sa limang kampus ng ASU ang “isinuko” nito alinsunod sa atas ng National Task Force-Elcac.

The post Kasunduan at tulungan ng 82nd IB at isang unibersidad sa Aklan, ikinabahala ng mga progresibong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.