Sa ngalan ng buong kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas, at mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, taas-kamaong nagbibigay-pugay ang Komite Sentral kay Kasamang Amek (Reynalde Erecre), mahal na tagapaglingkod ng masang magsasaka at manggagawang-bukid ng Negros at Bohol, magiting na komunista at bayani ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino.
Isinilang si Ka Amek sa bayan ng Maco, Davao de Oro (dating Compostela Valley) noong 1974 mula sa mababang saray ng petiburgesya. Kumuha siya ng kursong BS Education sa University of Mindanao sa Tagum City. Limang taon siyang nagtrabaho bilang manggagawang kontraktwal sa pabrika ng plywood upang tustusan ang kanyang pag-aaral.
Sa kanyang kabataan ay nakabisita si Ka Amek sa isang kampo ng Bagong Hukbong Bayan. Dahil personal niyang dinanas ang kahirapan at pang-aapi, madali niyang naintindihan at niyakap ang rebolusyonaryong adhikain. Hindi naglaon, sumama siya sa mga yunit ng hukbo sa gawaing masa at gawaing militar.
Sumapi si Ka Amek sa Partido noong 1997, sa panahon ng muling paglakas nito bunga ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Dahil sa kanyang husay at kasigasigan, matapos ang dalawang taon, hinalal siya sa Komite sa Larangan sa idinaos na kumperensya noong 1999. Itinalaga siyang vice platoon leader ng sentro de grabidad na platun. Hinalal siya bilang kagawad ng Komite sa Rehiyon ng Partido sa Central Visayas sa isinagawang kumperensya noong 2002. Naging political instructor sa itinayong platun sa southeast Negros noong 2004, at noong taon ding iyon, hinirang na kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komite sa Rehiyon ng Central Visayas.
Malaki ang ginampanang papel ni Ka Amek sa pagbubuo at pagpapalakas ng BHB sa Bohol at Negros. Nakabilang si Ka Amek sa pwersa ng BHB na naglunsad ng mga taktikal na opensiba sa Bohol, kabilang ang reyd sa bayan ng Batuan na nakasamsam ng mahigit 80 sandata. Noong 2013, naging platun leader sa itinatag na panrehiyong sentro de grabidad sa ilalim ng Komiteng Rehiyon sa Negros, at pagkalipas ng tatlong taon, ay hinirang na kumander ng kumpanya nito. Noong 2019, itinalaga si Ka Amek na panrehiyong kumander ng BHB sa Negros.
Bilang kasapi at lider ng Partido, puspusang nag-aral si Ka Amek ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Tiniyak niyang maglaan ng panahon sa pagbabasa ng mga klasikong sulatin ng mga dakilang komunistang paham, at pag-aaral ng pilosopiya, teorya ng digmang bayan at iba pa. Noong 2023, humalili si Ka Amek bilang kalihim ng Komite sa Rehiyon ng Partido sa Negros. Malaki ang ginampanan ni Ka Amek sa paglalapat ng mga aral ng kilusang pagwawasto sa Negros. Sa pamamagitan ng pangunguna sa mga namumunong kadre sa Negros sa pagpuna-sa-sarili, nagawa ni Ka Amek na mahigpit na konsolidahin ang Komite sa Rehiyon at sa pangunguna nito sa tuluy-tuloy na pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusan sa isla. Noong 2025, hinirang siyang kagawad ng Komite Sentral ng Partido.
Nitong Enero 30, habang naglalakbay sa mga tubuhan sa Barangay Bi-ao, Binalbagan, Negros Occidental, naka-engkwentro ng pangkat ng mga Pulang mandirigma na kinabibilangan ni Ka Amek ang mga pasistang tropa ng 94th Infantry Battalion ng AFP. Napahiwalay si Ka Amek sa yunit. Kumilos ang masa sa paligid para siya sagipin, subalit paglipas ng ilang oras ay natunton at nadakip siya ng kaaway.
Sa halip na kilalanin ang kanyang mga karapatan bilang bihag sa digma sa ilalim ng batas sa digma, o kahit sa ilalim ng reaksyunaryong batas, si Ka Amek ay pinagbababaril ng mga pasistang berdugo. Sa labis-labis na bala ang ginamit ng kaaway, hindi na makilala ang kanyang mga labi.
Nagpipiging sa bangkay ni Ka Amek ang mga imperyalista, burges komprador, malalaking panginoong maylupa. Sa mahabang panahon, si Ka Amek ay tinik sa lalamunan ng mga reaksyunaryong uri. Sa kabilang panig, ang kamatayan niya’y ipinagdadalamhati ng buong sambayanan, simbigat ng bundok ng Kanlaon na nakadagan sa puso, laluna ng mga manggagawa, ng masang magsasaka, mga manggagawang-bukid at lahat ng nagpapagal na dumaranas ng pinakamasasahol na anyo ng pagsasamantala at pang-aapi. Lubos na nakikiramay ang Partido at buong rebolusyonaryong kilusa sa asawa, mga anak at kapatid ni Ka Amek.
Nagkakamali ang mga pasista at reaksyunaryo na pag-aakalang sa pagwawakas sa buhay ni Ka Amek ay titigil ang pagbangon at pakikibaka ng masa ng sambayanan. Kakambal ng kanilang pagluluksa, tigib ng paghihimagsik ang kanilang dibdib. Ang dugong ibinuhos ni Ka Amek ay lalong nagpataba ng lupa ng rebolusyon, kung saan ay uusbong ang mga bagong sibol na anak ng bayan na magpapatuloy ng hindi pa tapos na himagsikan.
Lubos na nakahanda ang mga kadre ng Partido sa Negros na tanganan mga tungkulin at responsibilidad na iniwan ni Ka Amek. Sa gabay ng Komite Sentral, determinado silang patuloy na palakasin ang Partido at tumayo sa unahan ng mga pakikibakang masa at armadong pakikibaka sa Negros. Singtiyak ng araw-araw na pagbangon ng araw sa silangan, lilitaw ang bagong mga kadre at lider ng masa na magpapatuloy ng rebolusyon sa Negros at buong bansa.
Habampanahon nating alalahanin ang pangalan at mga naging ambag ni Ka Amek sa rebolusyong Pilipino. Humalaw tayo ng inspirasyon sa kanyang buhay ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa masang inaapi at pinagsasamantalahan, at sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan para kamtin ang adhikain ng bayan para sa pambansang paglaya at sosyalistang kinabukasan.
The post Pagpupugay kay Ka Amek, magiting na komunista at bayani ng sambayanang Pilipino appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

