Inatasan ng Regional Trial Court Branch 30 sa Bayombong, Nueva Viscaya ang pitong residente ng Dupax del Norte na magpaliwanag bakit hindi sila dapat kasuhan ng “indirect contempt” dahil sa kanilang pagtutol sa pagpapatupad ng Writ of preliminary injunction. Ayon sa writ o utos, dapat hindi hinarang ng mga residente ang pagpasok ng mga gamit sa pagmimina ng Woggle Corporation sa Barangay Bitnong,
Pinangalanan ng hukuman sina Florentino Daynos, Janette Macario, Sonette Nginsayan, Adelia Modi, Krislyn Pocday, Analiza Balliao, at Amelia Rabino. Hinuli sila ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) noong Enero 23 dahil sa pagtatayo nila ng barikada bilang pagtutol sa pagpasok ng Woggle Corporation sa kanilang komunidad. Inutusan sila na magpaliwanag sa loob ng 10 araw at nakatakda ang pagdinig sa Pebrero 12. Ang indirect contempt ay may parusa na P30,000 na multa o 6 na buwan na pagkakakulong.
Batay sa salaysay ng sherif na naging batayan ng kautusan, ginamit diumano ni Daynos ang kanyang Facebook akawnt upang hikayatin ang mga residente na magtipon at tutulan ang writ. Ayon sa korte, ang kilos ni Daynos ay maituturing na “paglapastangan sa hukuman” (contempt of court) dahil nanghikayat siyang suwayin ang utos nito. Nakasaad din sa patawag ang iba’t ibang balakid na ginawa ng mga residente tulad ng paglalagay ng kawayan, bakal na tarangkahan at malalaking troso sa gitna ng daan. Naghukay din sila ng malalaking butas daan. “Sagabal” daw ito sa “ligal na pagpapatupad ng utos ng korte,” ayon sa huwes.
Ang marahas na pagbuwag sa barikada ng mamamayan ng Dupax del Norte at pag-aresto sa pitong residente noong Enero ay umani ng malawak na pagkundena sa loob at labas ng bansa.
The post Pitong inaresto sa Dupax del Norte dahil sa pagkontra sa mina, pinagpapaliwanag ng korte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

