Nakalaya na mula sa kustodiya ng 2nd ID ang Pilipino-Amerikanong aktibista na si Chantal Anicoche noong Enero 29 at nakauwi sa US.
Si Anicoche ay idinetine ng 2nd ID matapos siyang “matagpuan” sa isang butas ilang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng engkwentro sa pagitan ng rebolusyonaryong grupo at ng militar noong Enero1 sa barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro. Lagpas tatlong linggo siyang hinawakan ng militar sa Camp Capinpin, Tanay Rizal nang walang ligal na batayan. Hindi pinahintulutan ng AFP ang mga abugado, organisasyong nagsusulong ng karapatang-tao at progresibong mambabatas na kamustahin siya o tiyakin ang kanyang kalagayan.
Ikinalugod ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) at Malaya USA ang paglaya ni Anicoche. Anila, maituturing ito na isang malaking tagumpay at bunga ng walang tigil na pagkampanya ng iba’t ibang organisasyon sa loob at labas ng bansa para sa kanyang agaran at ligtas na paglaya. Kinundena din ng mga grupo ang NTF-Elcac sa pagpapanggap nito na nag-aalala sa kalagayan ni Anicoche habang iligal siyang idinetine ng AFP.
“Isang kalokohan na ang NTF-Elcac, kilala sa buong mundo bilang notoryus sa panggigipit, pananakot at pagpatay sa mga sibilyan at tapag-tanggol sa karapatang-tao, ay ipiniprisenta ang sarili bilang tagapamandila ng katotohanan at protektor ng mga kabataan,” paliwanag ni Peter Murphy, tagapangulo ng ICHRP.
Pinatawan si Anicoche ng Order to Leave ng Bureau of Immigration matapos niya diumano aminin na bahagi siya ng isang organiasasyon na may koneksyon sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Sa ilalim ng Order to Leave, itinuturing ng gubyerno ng Pilipinas si Anicoche bilang undesirable alien o di-kanais-nais na migrante dahil sa kanyang “koneksyon” sa rebolusyonaryong mga grupo.
Ayon sa Karapatan, ang pahayag ang NTF-Elcac ay nagbabanta na posible kumaharap si Anicoche ng panganib at pag-uusig oras na makarating na siya sa US dahil sa kanyang mga “inamin.” Nagpahiwatig din ang ahensya na kahit sa pag-alis nya ay patuloy nilang i-red-tag at terror tag siya, ang organisasyon na sinalihan niya at maging ang mga organisasyon na nananawagan para sa kanyang paglaya. Plano nilang samantalahin ang sitwasyon ni Anicoche upang paigtingin ang kampanya nila na pigilan ang mga kabataan na makilahok sa mga isyung panlipunan sa tabing ng pagpigil sa “terror-grooming.”
Malaki ang posibilidad na ipinailalim si Anicoche sa intimidasyon upang pwersahin siyang maglabas ng maling pahayag at gamitin ito upang bigyang matwid ang kanyang pagkadetine. Tulad ng mga karanasan ng biktima ng pagdukot gaya nina Jonila Castro at Jhed Tamano, Dyan Gumanao at Armand Dayoha, at marami pang iba, sila ay pinilit na pumirma sa mga dokumento habang nasa kustodiya.
Malinaw na ginagamit ng AFP ang kanyang detensyon upang pagtakpan ang mga krimen nito laban sa mamamayan ng Abra de Ilog at nagpapatuloy na militarisasyon sa komunidad, paliwanag ng grupo.
Nananawagan ang mga grupo na panagutin ang 203rd IB sa pambobomba nito sa komunidad sa Abra de Ilog at sa 2nd ID para iligal nitong pagdetine kay Anicoche.
The post Pilipino-Amerikanong aktibista, nakaalis na sa kustodiya ng 2nd ID appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

