Ikinatuwa ng mga estudyante ng De La Salle Unviversity (DLSU) at University of the East (UE) ang kamakailang anunsyo ng administrasyon ng dalawang unibersidad na hindi ito magpapatupad ng pagtataas ng matrikula (tuition and other fee increase o TOFI) para sa akademikong taon na 2026-2027. Ibinunga ito ng walang tigil na kampanya at pagkilos ng mga estudyante, konseho ng mag-aaral at mga progresibong grupo sa dalawang unibersidad laban sa TOFI.

Sa DLSU, upisyal na inianunsyo ng administrasyon ng DLSU ang 0% TOFI sa isang Multi-sectoral Consultative Committee noong Enero 4. Isang araw ito matapos ang inilunsad na walkout ng mga estudyante ng DLSU-Manila sa Taft Avenue sa Maynila na pinangunahan ng mga progresibong grupo at DLSU University Student Government.

Maraming grupo rin sa loob ng DLSU-Manila ang pumirma sa nagkakaisang pahayag laban sa kahit anumang TOFI. Nanindigan kasama nila ang Parents of University Students Organization (PUSO).

Sa huling apat na akademikong taon, walang tigil ang pagpapatupad ng DLSU ng TOFI na lubhang nagpahirap sa mga estudyante. Sa kabila ng mga pagtaas na ito, reklamo ng mga estudyante ang mahinang serbisyo sa kampus, patuloy na pagbabayad ng renta para makagamit ng pasilidad sa uniberisdad, at mababa ang sweldo ng mga guro at empleyado.

Sa UE, inianunsyo mismo ni President Zosimo Battad na walang TOFI. Kasunod ito ng sunud-sunod na pagtaas ng matrikula sa nagdaang tatlong akademikong taon na 9.5% (2023-2024), 6% (2024-2025), at 5% (2025-2026).

Ang 0% TOFI sa unibersidad ay ibinunga ng tuluy-tuloy na pagtutol dito ng mga estudyante at konseho mula ikalawang hati ng 2025. Isinagawa nila pangangalap ng pirma para sa petisyon, mga protesta at dayalogo. Kinilala rin nila ang mga nauna pang estudyante at konseho na naglunsad ng kampanya kontra TOFI sa nakaraan pang mga taon.

Binati ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang mga konseho ng mag-aaral at estudyante sa pagkapanalo kontra TOFI. “Binibigyang-diin muli namin na ang TOFI ay isang iskema na ginagawang negosyong pagkakitaan ang edukasyon, na nagpapahirap sa mga estudyante at sa kanilang mga pamilya,” pahayag ng grupo.

Dagdag ng grupo, kung walang nakikitang pagbabago sa mga pasilidad, walang dagdag sa sweldo ng mga guro at kawani ng paaralan, at nananatiling kakaunti o halos walang serbisyo at espasyo para sa mga mag-aaral, lalo lamang pinatutunayan na ang TOFI ay para lamang kumita ang paaralan. “[S]a halip na tupdin ang layunin nitong magbigay ng dekalidad na edukasyon,” anito.

“Sa pamamagitan lamang ng militante at mapanlabang pakikibaka natin makakamit ang mga konkretong tagumpay para sa mga mag-aaral at mamamayan,” pahayag ng NUSP. Nanawagan ito sa mga konseho at estudyante na ipagpatuloy ang laban para sa isang tunay na malaya, de-kalidad, at mapagpalayang edukasyon.

The post 0% TOFI sa UE at DLSU, nakamit sa sama-samang pagkilos ng mga estudyante appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.