Mariing kinundena ng rehiyunal na komite ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) sa Europe ang papatinding atake laban sa mamamayan ng Rojava na nagsimula noong huling mga linggo ng Enero. Hinamon nito ang mga mamamayan ng daigdig na manindigan laban sa sabwatan ng imperyalistang US, Turkey at Zionistang Israel na naglulunsad ngayon ng brutal na kampanyang panunupil sa hilaga at silangang Syria, kinikilala rin bilng Rojava. Inilalarawan ng komite ang nagaganap n opensiba bilang “malubha at tumitinding kampanya ng karahasan, pagpapalikas at kolektibong pagpaparusa” na walang galang sa buhay ng mga sibilyan at batayang dignidad ng tao. Babala nito, nakaamba ang malawakang masaker sa mamamayang Kurdish.

Sa pahayag nito, binigyang-diin ng ILPS Europe na ang mga pag-atake sa Rojava noong Enero ay nakaayon sa pampulitika at pangmilitar na layunin ng mga makapangyarihang estado sa rehiyon at ng kanilang imperyalistang amo.” Anila, “ang mga komunidad na Kurdish, kasama ang iba pang mga etniko at relihiyosong grupo, ay sistematikong tinatarget sa pamamagitan ng mga opensibang militar, pagkubkob, pananakot at teror.” Ipinunto ng grupo na nakapaloob ito sa proyekto ng US at mga kaalyado nito ng pagpapabagsak sa gubyernong Assad, pagtatayo ng maka-Kanlurang kaayusan at paggamit ng mga proxy gaya ni Al-Jolani para ipatupad ang kanilang masamang plano.

Tinuligsa ng ILPS Europe ang mapanlinlang na paggamit ng US sa mga Kurd noong kampanya laban sa ISIS. “Ginamit ng US ang mga Kurd bilang taktikang alyado laban sa ISIS para mapagtibay ang pagkalehitimo ng presensyang militar nito sa rehiyon, mapigil ang sosyalistang oryentasyon ng rebolusyong Kurdish, at pwersahin ang blokeng Russia–Iran,” paliwanag ng komite. Dagdag pa nila, ang mga ulat ng mga masaker, pagpapalaya sa mga detenidong elemento ng ISIS at malawakang karahasan laban sa mga sibilyan laluna sa kababaihan ay “nagbunyag sa tunay na kulay ng rehimeng Al‑Jolani na tuta ng US at mga pwersang nasa ilalim ng kumand nito.” Patunay ito na “nakaamba ang isang malakihang masaker sa populasyong Kurdish at kagyat ang banta ng panibagong mga krimen, anito.

Iniuugnay ng ILPS ang opensiba sa Rojava sa mas malawak na estratehiya ng kooperasyong US-Zionist-Turkish na nakatuon sa paghahari sa West Asia. “Ang digma laban sa mamamayan ng Rojava ay pagpapatuloy sa matagal nang kooperasyon ng US, Zionistang Israel at Turkey, na labis na umasa sa mga pwersang proxy at kampanyang destabilisasyon para palalain ang etnikong sigalot, wasakin ang pagkakaisa ng mga mamamayan, pahinain at durugin ang demokratikong paglaban,” ayon sa pahayag. Binigyang-diin rin nito na mula Nagorno-Karabakh hanggang Syria, makikita ang parehong “padron ng estratehikong koordinasyon” na tinatabonan ng kunwaring tensyon sa pagitan ng Turkey at Israel para linlangin ang opinyong publiko at pahinain ang tunay na kilusan ng masang nag-aalsa.

Iginiit ng ILPS Europe na mismong mga tagapagsalita ng US ang umaamin na ang umano’y sigalot ng Turkey at ng Zionistang Israel ay “pawang retorika lamang.” Ayon sa komite, “ibinubunyag nito ang isang nagkakaisang estratehiya ng imperyalismo,” kung saan ang tinaguriang “Board of Peace” ni Trump ay nagsisilbing mekanismo para pagtibayin ang kanilang koordinasyon para supilin ang mamamayang lumalaban sa okupasyon at para ipataw ang brutal na reistruktura sa rehiyon.

Mariin ding kinastigo ng ILPS Europe ang mga gubyerno sa Europe sa pakikipagsabwatan sa opensiba sa pamamagitan ng pagpopondo at pagsuporta sa rehimen at mga armadong grupong sangkot sa pag-atake at pagmasaker sa mamamayang Kurdish.

Nanawagan ang ILPS Europe sa pandaigdigang komunidad na putulin ang katahimikan at kumilos sa panig ng Rojava. “Walang neutralidad sa harap ng nagpapatuloy na mga masaker,” pahayag ng komite. Hinikayat nila ang “lahat ng mamamayang nagmamahal sa kalayaan” na tumindig para depensahan ang Rojava laban sa “digmang agresyon na sinulsulan ng imperyalistang US para sa patuloy na pandarambong at destabilisasyon sa West Asia.” Pinuri rin nila ang “kabayanihan at katapangan” ng mamamayang Kurdish, partikular ang kababaihang tagapagtanggol na “nag-oorganisa ng militante at rebolusyonaryong paglaban para ipagtanggol ang kanilang komunidad laban sa mga imperyalistang nanghihimasok sa kanilang mga teritoryo.”

Binibigyang-diin ng ILPS Europe na kagyat at malaki ang pangangailangan ng mamamayan ng Rojava sa “lahat ng anyo ng suporta at pandaigdigang pakikiisa” habang buong tapang nilang hinaharap ang karahasan na pinakawalan ng US at mga kasabwat nito sa rehiyon.

The post Imperyalistang pag-atake sa Rojava, kinundenda ng ILPS-Europe appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.