Tumungo ang mga kinatawan ng 45 ng mga progresibong organisasyon noong Pebrero 2 sa Kongreso para magsumite ng impeachment complaint laban kay Bise Pres. Sara Duterte. Iniendorso ang kanilang reklamo nina Rep. Antonio Tinio, Rep. Sarah Elago at Rep. Renee Co ng Makabayan Coalition.

Katulad sa inihain noong Disyembre 2024, nakatuon ang reklamo sa betrayal of public trust ng bise presidente. Tinukoy ng reklamo ang maling paggamit ni Duterte sa confidential funds na nagkakahalaga ng P612.5 milyon mula sa Office of the Vice President at Department of Education noong 2022 hanggang 2023. Binanggit din sa reklamo ang kanyang gross abuse of discretionary powers, kawalan ng tamang kontrol sa paggastos, at pagwawalang-bahala sa mga patawag ng Kongreso.

Inihain ang reklamo matapos maglabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na nagdeklara na di konstitusyunal ang naunang prosesong impeachment laban kay Duterte noong 2025.

“Sa kabila ng taliwas na hatol na ito, naniniwala kami na ang mga usaping inilahad sa impeachment complaint laban kay Bise Presidente Duterte—kabilang ang malulubhang paglabag sa Saligang Batas, pagtataksil sa tiwala ng publiko, at iba pang mataas na krimen—ay nananatiling wasto at dapat tugunan sa tamang prosesong konstitusyonal,” pahayag ng Makabayan Coalition. “Dapat masagot ang mga tanong ng mga Pilipino.”

Sa isang press conference, iginiit ni Bayan Muna chairperson Atty. Neri Colmenares na hindi “recycled” ang reklamo dahil hindi naman nabigyan ng sapat na pagdinig si Duterte sa mga akusasyon noong nakaraang taon. Aniya, dapat suportahan ito ng mga kongresista na pumirma sa dating impeachment complaint.

Sa labas ng Kongreso, naglunsad ang mga progresibong grupo ng protesta bilang suporta sa paghahain ng reklamo. Una nang naghain ang mga grupo, sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan ng reklamong impeachment laban kay Pres. Ferdinand Marcos Jr noong Enero.

The post Mga progresibong organisasyon, muling nagsumite ng reklamong impeachment laban kay VP Duterte appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.