Mariing kinundena ng Gabriela-Southern Mindanao ang higit ₱2 kada kilowatt/hour (kwh) pagtaas ng Davao Light and Power Company (Davao Light) sa singil nito sa serbisyo ng kuryente. Itinaas ng kumpanya ang singil mula ₱9.7135/kWh tungong ₱11.7187/kWh noong Enero. Saklaw ng pagtaas ang mga syudad ng Davao City, Panabo City at mga munisipalidad sa Braulio E. Dujali, Carmen at Santo Tomas sa Davao del Norte.
Bago nito, tatlong beses nang nagtaas ng singil ang kumpanya sa nakaraang dalawang taon lamang. Noong Mayo 2024, tumaas ang singil nito nang ₱1.6254/kwh. Noong Hulyo 2024, muli itong nagtaas nang ₱2.9601/kWh at ₱0.0887/kWh noong Hulyo 2025.
Ang huling pagtaas ay nagdagdag ng ₱401.04/buwan sa bayarin ng isang pamilyang kumukonsumo ng 200kwh. Nagkabisa ang bagong singilin mula noong Enero 11.
Liban sa Davao Light, ang Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO) ay nagtaas rin ng singil nang ₱2/kwh mula ₱12.70/kWh tungong ₱14.81/kWh.
Ayon sa grupo, ang pagtaas na ito ay bunga ng neoliberal na patakaran sa ekonomya kung saan sistematiko ang pagpapabaya ng gubyerno sa responsibilidad na magbigay ng batayang serbisyo sa mamamayan. Sa halip, ipinaubaya ng estado ang mga ito sa mga pribadong negosyo na ang pangunahing layunin ay magkamal ng tubo.
“Pabigat, pahirap ito sa kababaihan at mahihirap na komunidad,” ayon sa Gabriela-SMR.
Samantala, kinuwesyon ng ibang grupong konsyumer sa Davao ang ipinatong na mga singil ng rehimeng Marcos sa serbisyo tulad ng Green Energy Auction Allowance (GEA-All) at Feed-In Tariff Allowance (FIT-All), mga bayarin na ipinapasa ng mga kumpanya ng langis sa mga konsyumer. Itinulak din nila ang pagtatanggal ng VAT na 12% sa kuryente sa gitna ng walang awat na pagsirit ng mga bayarin.
The post Pagtaas ng singil sa kuryente ng Davao Light, pabigat at pahirap sa mga Dabawenyo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

