Binatikos ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Panay ang lokal na gubyerno ng Iloilo City kasunod ng lumitaw na ulat na pinalalayas nito ang mga katutubong Ati na nagtitinda sa Jaro Plaza sa syudad. Inilantad ng mga katutubong Ati ang pagpapaalis sa kanila noong nakaraang linggo ng Enero sa isang panayam sa lokal na radyo.
Ayon sa DYRP Life Radio Iloilo, nagreklamo ang mga Ati na mula sa Antique nang paalisin sila at kanilang itinitinda mula sa plaza. Sa panayam ng radyo kay Michell, ilang ulit na silang pinangakuan ng Iloilo City Hall na bibigyan ng permit para makapagtinda ngunit wala pa ring nangyayari. Parati lamang umano silang pinaaalis sa lugar at pinagbabawalan.
Aniya, nagsisikap silang magbenta ng native na mga produkto sa halip na manglimos at manghingi para matustusan ang kanilang araw-araw na pangangailangan. Nanawagan sila kay Iloilo City Mayor Raisa Treñas na tugunan ang kanilang sitwasyon at bigyan sila ng permit at pwesto. Aniya, tatagal lamang ang pagbebenta nila hanggang matapos ang mga pagdiriwang sa pyesta ng Nuestra Señora de la Candelaria sa Jaro District sa Pebrero 2.
Anang Bayan-Panay, nalantad ng insidente ang pagka-ipokrito ng lokal na gubyerno ng Iloilo City na katatapos lamang magdiwang ng Dinagyang Festival noong Enero 23-25. Ang Dinagyang ay isang pyesta na sana ay nagbibigay-pugay at kumikilala sa kultura ng katutubong Ati.
“Ang hakbang na ito ay lubhang taliwas sa pagdidirwang ng syudad sa kulturang Ati, at naglalantad sa agwat sa pagitan ng simbolikong pagkilala at aktwal na pagtrato sa mga komunidad ng Ati,” pahayag ng Bayan-Panay.
Pinagkakaitan ang mga Ati ng dignidad, espasyo at hustisya sa araw-araw nilang pamumuhay, anito.
Nagpahayag rin ng pagkadismaya sa insidente si Raoul Manuel, isang Ilonggo at dating kinatawan ng Kabataan Party-list sa ika-19 na kongreso. Aniya, ang ganitong mga pangyayari ang dahilan kung bakit kahit gustuhin niyang matuwa sa pagdiriwang ng Dinagyang Festival ay hindi maalis sa kanyang isipan kung paano tinatrato ang komunidad ng mga Ati sa lipunan.
The post Pagpapalayas sa mga katutubong Ati na nagtitinda sa Iloilo City, binatikos ng progresibong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

