Kinundena ng Gabriela ang “Iwas rape tips” na kampanya sa social media ng Indang Municipal Police Station sa Cavite. Ayon sa grupo, ang pinapakalat ng “tip” o payo ng Philippine National Police (PNP) ay lalo lamang nagbubunton ng sisi sa mga biktima ng pangagahasa sa halip na papanagutin ang mga salarin.
Sa paskil ng PNP Indang, pinayuhan nito ang mga kababaihan na iwasan ang madidilim na lugar, mga di kilalang tao at mga nasa social media.
“Sa halip na habulin ang mga rapist, pinapalaganap ng PNP ang atrasado at delikadong kaisipin na nagsasabi sa kababaihan na dapat niyang limitahan ang kanyang kalayaan at pagkilos,” paliwanag ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
“Gamit ang lohika na ito, dinadahilang nagagahasa ang mga kababaihan dahil sa pagpili niya ng lugar na dadaanan, sa mga nakakasama niya o kahit sa kanyang suot, sa halip na ito ay dahil sa desisyon ng salarin na manggahasa. Isa itong malaking insulto sa lahat ng survivors at tahasang pagpapabaya sa tungkulin ng kapulisan,” aniya.
Ayon sa grupo, ang mga payo ng PNP ay taliwas sa isinasaad ng mga datos at ng reyalidad, na karamihan sa mga kaso ng panggagahasa ay ginawa ng taong kilala ng biktima, at madalas nangyayari sa kanilang sariling tahanan. Mas nakababahala na ang payo na ito ay mula sa institusyong talamak sa kaso ng sekswal na pang-aabuso at karahasan laban sa kababaihan na ginawa na mismong mga tauhan nito. Halimbawa nito ang pinakabagong kaso ng panggagahasa kung saan imbwelto ang mga pulis mula sa Maynila.
“Marahil ay dapat munang mag-aral ang administrasyong Marcos Jr at ang PNP hinggil sa ugat ng karahasan laban sa kababaihan. Dapat magpokus muna sila sa paglilinis sa sarili nilang hanay ng mga rapist at mga nang-aabuso, sa halip na sabihan ang mga kababaihan kung paano mamuhay sa takot. Para hindi na kumalat ang ganyang bulok na kaisipan na nag-aanak ng mga pulis na rapist,” dagdag ni Palce.
Paliwanag ng grupo, ang karahasan laban sa kababaihan ay nag-uugat sa pyudal-patriyarkal na sistema at kultura ng impunidad, na mas pinaigting sa loob ng mga institusyon tulad ng sa hanay ng pulis at militar. Ang mga kampanya para sa kaligtasan ng kababaihan ay dapat nakatuon sa pagkundena sa kilos ng salarin, pagsusulong ng pagpapahintulot, at pagtiyak na kagyat na makakuha ng hustisya ang mga biktima, hindi ang pagkontrol sa buhay ng kababaihan at kanilang katawan.
“Nananawagan kami sa PNP na kagyat nitong bawiin ang mapanganib at iresponsable nitong mga payo. Pananagutan ninyo ang mga tauhan ninyo! Huwag niyo nang sisihin ang mga kababaihan at simulan niyo nang mag-aresto ng mga rapist, kabilang ang mga nasa loob ng inyong institusyon,” giit ni Palce.
The post “Iwas rape tips” ng PNP, kinundena ng kababaihan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

