Sunud-sunod na mga pagkilos ang inilunsad ng mga empleyadong superbisor sa kumpanya sa telekomunikasyon na PLDT Inc nitong Enero. Panawagan nila ang pagkakamit ng isang makabuluhang collective bargaining agreement (CBA) para sa 2026-2028 sa pagitan ng unyon nilang Gabay ng Unyon sa Telekomunikasyon ng mga Superbisor sa PLDT (GUTS-PLDT) at pamunuan ng PLDT Inc.
Nagsimula ang negosasyon ng mga kinatawan ng GUTS at pamunuan ng PLDT para sa bagong CBA noong Nobyembre 28, 2025. Ayon sa GUTS-PLDT, matapos ang 15 beses na paghaharap at negosasyon ay wala pang makabuluhang napagkakasunduan sa mga isinusulong na panukala ng unyon.
Para ipresyur ang pamunuan ng kumpanya, nanawagan ang unyon sa mga myembro nito sa buong bansa na magsuot ng kulay pula na t-shirt noong Enero 9 at 16 na masiglang tinugunan ng mga empleyado. Noong Enero 23, muling nagsuot ng pulang t-shirt ang mga empleyadong superbisor at nagsagawa ng noise barrage sa kani-kanilang upisina sa buong bansa.
Noong Enero 29, nagtipon ang mahigit 200 myembro ng unyon para sa ipinatawag na pulong ng GUTS-PLDT. Nagbigay ng apdeyt ang pamunuan ng unyon sa itinatakbo ng negosasyon para sa CBA 2026-2028. Matapos ang pulong ay nagmartsa sila sa palibot ng hedkwarters ng PLDT sa Ramon Cojuanco Building sa Makati City.
Muling nagpamalas ng pagkakaisa ang mga myembro ng unyon noong Enero 30 sa isa pang araw ng pagsusuot ng kulay pulang t-shirt. Sa araw na iyon ay muli ring nagharap para sa negosasyon sa CBA ang mga kinatawan ng GUTS-PLDT at pamunuan ng kumpanya.
“Matagumpay ang mga sama-samang pagkilos na isinagawa ng unyon sa pagnanais na mapakinggan ang mga lehitimong proposal ng mga bisor na ang batayan ay ang tunay na kaganapan at karanasan ng mga manggagawang bisor,” pahayag ng GUTS-PLDT.
Nagpahayag ng suporta sa laban ng GUTS-PLDT para sa bagong CBA ang BPO Industry Employees Network (BIEN). “Ang karapatang mag-organisa, kolektibong makipagtawaran, at kolektibong kumilos ay pundamental na karapatan ng mga manggagawa,” ayon sa grupo.
Anang grupo, pinatutunayan ng mga pagkilos ng GUTS-PLDT na makakamit lamang ang nakabubuhay na sahod, disenteng kalagayan sa paggawa, at tunay na paggalang sa mga manggagawa sa pamamagitan ng pagkakaisa at kolektibong pagkilos. “Nakikiisa kami sa unyon ng mga superbisor ng PLDT sa kanilang panawagan para sa makatarungan at makabuluhang CBA na sumasalamin sa tunay na halaga ng paggawa ng manggagawa at nagtataguyod sa kanilang kagalingan at dignidad,” ayon sa BIEN.
Ang PLDT Inc ay pag-aari ng burgesyang kumprador na si Manny V. Pangilinan. Tumatayo siyang tagapangulo, pangulo at chief executive officer ng kumpanya. Noong 2024, naitala ng PLDT Inc ang netong kita na ₱32.31 bilyon, na 21% mas malaki kumpara sa 2023 (₱26.61). Sa unang tatlong kwarto ng 2025, umabot naman sa ₱25.1 ang iniulat na kinita ng kumpanya.
The post Makabuluhang CBA, ipinaglalaban ng mga superbisor sa PLDT Inc appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

