Tinawag ng Karapatan-Cagayan Valley (CV) ang 86th IB ng Philippine Army na protektor ng Woggle Corporation, dayuhang kumpanya sa pagmimina, noong Enero 30. Kasunod ito ng pahayag ng batalyon na “palalakasin ang pagbabantay” sa bayan ng Dupax del Norte sa Nueva Vizcaya kasunod ng mga pagkilos ng mamamayan ng Barangay Bitnong laban sa mapangwasak na kumpanya.
Ayon kay 2nd LT Donebing Petalcorin, Civilian-Military Operations Officer ng 86th IB, magiging “alerto” sila dahil “sasamantalahin” ng rebolusyonaryong kilusan at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isyu para magrekrut. Dagdag ng upisyal militar, gagamitin ito ng hukbong bayan para “lumikha ng sama ng loob sa pamahalaan.”
Tugon ng grupong tagapagtanggol sa karapatang-tao, malinaw sa pahayag ng militar ang pagpapagamit nito sa dayuhang kumpanya upang protektahan ang mapanirang pagmimina. Kasunod rin ito ng ilang ulit nang panunupil at pagbuwag ng mga pulis sa barikada ng mga residente ng Barangay Bitnong laban sa pagpasok ng Woggle Corporation.
Pinakamatingkad ang karahasan ng mga pulis noong Enero 23 kung saan inaresto ang pitong residente dahil sa pagtutol sa pagpasok ng drilling equipment ng kumpanya. Halos 400 pulis, katuwang ang mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection, ang idineploy para buwagin ang barikada ng mga residente.
“Ang pagkaagaw ng kabuhayan at matitinding epekto ng mga kalamidad dulot ng pagkasira ng kalikasan ang nagtutulak sa mamamayan ng Nueva Vizcaya na magkaisa, lumaban, at protektahan ang kalikasan, ang kanilang buhay, at kabuhayan,” pahayag ng Karapatan-CV. Dagdag ng grupo, ang pahayag ng 86th IB ay “pagmamaliit sa kakayahan ng mamamayang ipagtanggol ang lupa at buhay.”
Nangangamba ang Karapatan-CV para sa karapatan at seguridad ng mga taga-Dupax del Norte matapos ang pahayag ng 86th IB. Anito, ang pahayag ay nagsisilbing indikasyon ng ibayong panunupil at paghahasik ng takot sa mamamayan upang ganap na makapag-opereyt ang Woggle Corporation.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang grupo sa lahat ng nagmamahal sa kalikasan at kumikilala sa karapatang-tao na sumama sa laban ng mga residente ng Dupax Del Norte. “Higit na dapat magpatuloy ang barikada ng mamamayan,” anang grupo.
Samantala, ibinahagi ng grupo na ang pagbabanta ng militar sa Dupax del Norte ay nangyayari din sa Dinapigue sa Isabela. Anito, ang 86th IB at CAFGU ay nagtatanggol din sa mapangwasak na pagmimina sa naturang bayan at nagkakampo mismo ang isang platun sa loob ng erya ng pagmimina.
The post 86th IB, protektor ng dayuhang kumpanyang Woggle Corporation—Karapatan Cagayan Valley appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

