Mahigpit na kinundena ng dalawang konseho ng mag-aaral sa University of the Philippines-Diliman (UPD) ang isang bagong kasunduan sa pagitan ng UPD College of Human Kinetics (CHK) at ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF). Upisyal na pinirmahan ng kinatawan ng UPD Office of the Chancellor, sa ngalan ng UPD CHK, ang naturang kasunduan noong Enero 27.

Ayon sa UPD CHK Student Council, ikinabigla nila ang kasunduan laluna at walang ni kahit anong pagsangguni o konsultasyon ang administrasyon ng kolehiyo sa mga estudyante kaugnay dito. Sa pinag-isang pahayag ng konseho at ng UPD University Student Council, binansagang hindi “nyutral” ang kasunduan at sinabing isinasapanganib nito ang unibersidad.

“Ginagawa nitong lehitimo ang pagkikipagtulungan sa isang institusyon na paulit-ulit nang nadawit sa mga panghaharas, paglabag sa karapatang-tao, at panunupil sa mga kabataan at aktibismo ng mga estudyante,” anila. Dagdag ng dalawang konseho, dapat itong batikusin laluna at may tungkulin ang UP na ipagtanggol ang akademikong kalayaan, protektahan ang pagtutol at tiyaking manatiling ligtas ang unibersidad para sa kritikal na pag-iisip.

Para ipahayag ang kanilang pagkadismaya at pusisyon sa kasunduan, nakipagdayalogo ang mga konseho sa administrasyon ng UPD CHK noong Enero 29. Dito iginiit ng pamunuan ng kolehiyo na “purong akademiko at pananaliksik” ang batayan ng pagtutulungan ng UPD CHK at PNP SAF.

Ayon pa sa dayalogo, halos tatlong taon na mula nagsimula ang mga talakayan sa posibleng pagpirma sa kasunduan. Sinabi rin ng administrasyon ng kolehiyo na ang mga pagsasanay ay isasagawa sa pasilidad ng PNP-SAF sa Laguna at hindi sa kampus ng UP Diliman. Kinilala rin nito ang naging kakulangan ng UPD CHK sa pagkonsulta sa mga estudyante hinggil sa kasunduan.

Samantala, naisiwalat sa dayalogo na mayroong iba pang institusyon sa seguridad ng estado ang lumapit na sa UPD CHK para sa katulad na mga kasunduan sa nakaraan. Kabilang dito ang Marine Corps at Coast Guard na humingi ng tulong sa kadalubhasaan ng CHK sa pagbubuo ng mga manwal sa pagsasanay, pagsusuri, at mga pisikal na programa.

Napagkasunduan sa dayalogo na muling susuriin at pag-aaralan ng UPD CHK ang kasunduan at maglalabas ng pahayag ng paglilinaw kaugnay nito nang may pagsasaalang-alang sa akademikong kalayaan at karapatan ng mga estudyante. Nakuha rin ng mga konseho ang komitment ng kolehiyo na magiging bahagi sila sa pagrerebyu ng resulta at implikasyon ng naturang kasunduan.

Gayunman, patuloy ang panawagan ng mga konseho at estudyante ng UP Diliman na tuluyang ibasura ang naturang kasunduan. “Bilang isang komunidad, dapat manatili tayong mapagmatyag sa pagtatanggol ng ating demokratikong mga espasyo at sa pagtiyak na hindi kailanman makokompromiso ang kapakanan ng mga estudyante,” ayon sa pahayag ng dalawnag konseho.

Doble ang pangamba ng mga estudyante ng UP sa usapin ng pagpasok ng mga pwersa ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kampus laluna at malaya na itong pinahihintulutan matapos makaisang-panig na ibasura ng gubyerno ang UP-DND Accord noong Enero 15, 2021.

Sa pahayag ng UP Office of the Student Regent noong Enero 15, limang taon makalipas ang pagbasura sa kasunduan, sinabi nitong nagpapatuloy ang kanilang pagsisikap at paglaban para maibalik ito. “Ang kasunduan ay isang sama-samang paninindigan ng mga iskolar ng bayan na ang edukasyon ay hindi na muling dapat ma-militarisa,” pahayag nito.

Dagdag rin sa pangamba nila ang kamakailang pagsasampa ng reklamo ng PNP sa Department of Justice laban sa mga estudyante at lider ng UP na lumahok sa mga protestang kontra korapsyon.

The post Kasunduan ng PNP-SAF at isang kolehiyo sa UP Diliman, binatikos ng mga konseho ng mag-aaral appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.