Nagprotesta ang mga grupong makakalikasan, siyentista, magsasaka, at katutubo sa harap ng upisina ng FCF Minerals Corporation sa Makati City noong Enero 28 upang kundenahin ang pandarambong at pagsira nito sa kalikasan at paglabag sa karapatang-tao sa Nueva Vizcaya at iba pang bahagi ng bansa.
Ang FCF Minerals ang nag-oopereyt sa minahan sa Barangay Runruno, Quezon, Nueva Viscaya. Nasa 3,093 ektarya ng kabundukan ang minimina ng kumpanya para sa ginto at molybdenum (mineral na ginagamit sa paggawa ng elektronik). Naging talamak ang kumpanya dahil sa mapanira nitong paraan ng pagmimina, pagsira sa kalikasan, pagpapalayas ng mga komunidad, paglabag sa karapatang pantao, at pang-aagaw ng lupa at hanapbuhay ng mga residente at katutubo.
Ang Woggle Corporation ay 60% na pag-mamay-ari ng FCF Minerals Corporation at 40% na pagmamay-ari ng Metals Exploration PLC. Ang dalawang kumpanya ay subsidyaryo ng Metals Exploration PLC, isang British na kumpanya sa mina.
Ang Yamang Mineral Corporation, subsidyaryo ng FCF Minerals Corporation ay may proyektong eksplorasyon sa prubinsya ng Abra ngunit nahinto noong 2024 dahil sa kawalan ng Free, Prior and Informed Consent at malawakang pagtutol ng mga residente ng Abra. Nasa 16,187 ektarya ang saklaw ng operasyon. Sakop nito ang bayan ng Licuan-Baaym Sallapadan, Lacub at Malibcong. Target ng kumpanya na makapagmina dito ng ginto, tanso, molybdenum at iba pang mineral.
Ayon sa isang dokumento ng Metals Exploration Plc, layon ng kumpanya sa pagpasok sa Dupax del Norte, sa pamamagitan ng Woggle Corporation, ay maipagpatuloy nito ang operasyon ng pagproseso ng ore ng FCF Minerals sa barangay Runruno sa panahong maubos na ang reserbang mineral sa lugar. Planong dalhin at iproseso sa Runruno ang anumang potensyal na mamina mula sa Dupax del Norte.fE
“Ang ganitong set-up ay nagtitiyak sa pangmatagalang daluyan para sa pagkuha ng yaman para sa kapital ng kumpanyang British, habang ang Nueva Viscaya ay kumakaharap sa pagkasira ng kapaligiran, pang-aagaw ng lupa at pinsala sa lipunan,” pahayag ng grupong Kalikasan.
“Hindi kailangan ng Pilipinas ang isa pang dayuhang korporasyong magnanakaw ng ating yaman. Panawagan ng taumbayan na itigil ang pandarambong sa kalikasan, ipaglaban ang karapatang sagipin ang kalikasan para sa susunod na henerasyon!” pahayag ng grupo.
The post Pandarambong sa kalikasan ng FCF Minerals Corporation, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

