Ipinahayag ng mga estudyante ng University of San Carlos (USC) sa Cebu sa pamamagitan ng protesta noong Enero 23 ang kanilang pagtutol sa panukalang pagtataas ng matrikula (TOFI o Tuition and Other Fee Increase) sa unibersidad. Pinangunahan ng mga progresibong grupo at partido sa USC ang pagkilos sa kampus sa Barangay Talamban, Cebu City. Dumalo rin sa pagkilos ang USC Supreme Student Council. Plano ng konseho na magsagawa ng “konsultasyon” sa mga estudyante at magulang kaugnay ng TOFI.
Nagpabatid ang administrasyon ng USC sa Commission on Higher Education Region VII ng planong magtaas ng matrikula noong Disyembre 11, 2025. Wala pang nakatakdang porsyento ng pagtaas batay sa panukala. Ginagamit na pagdadahilan ng unibersidad ang tumataas na gastos sa edukasyon, at pagpapasahod sa mga guro at tauhan ng USC. Noong akademikong taon 2023-2024 lamang, itinaas ng USC ang matrikula at ibang bayarin nang 6.95%.
“Ang nakaambang TOFI ay lalong nagpapabigat sa pasanin ng mga estudyante na kasalukuyan nang nahihirapan, lalo na matapos ang mga nagdaang kalamidad sa Cebu,” ayon sa nagkakaisang pahayag ng Anakbayan-USC, Gabriela Youth-USC, Kabataan Party-list USC at Student Alliance for Nationalism and Democracy-USC. Dagdag ng mga estudyante, ang hindi makatarungang pagtaas ng matrikula at ang kahina-hinala at hindi transparent na mga bayarin sa unibersidad ay taliwas sa karapatan para sa isang abot-kaya at makataong edukasyon.
Samantala, inilinaw ng apat na mga organisasyon at partido na bagama’t suportado nila ang panawagan ng College Faculty Independent Union (CFIU) para sa makatarungang pagtaas ng sahod para sa kapakanan ng kaguruan ay hindi dapat ito kunin mula sa bulsa ng mga estudyante. “Ang dagdag-sahod ay dapat ibigay nang hindi ipinapasa ang pasanin sa mga estudyante, at may buong transparency at pananagutan sa mga ipinapataw na bayarin,” ayon pa sa pahayag.
Sa protesta, ipinaliwanag ng isang myembro ng Anakbayan-USC na hindi tama na paparaming bilang ng mga estudyante ng USC ang natutulak na tumigil sa pag-aaral dahil sa tumataas na bayarin. “Tama ba na nahihirapan ang mga pamilya kada taon habang nananatiling walang pagbabago sa mga serbisyo taun-taon?” ayon kay Jañina.
Nanawagan ang mga grupo sa mga kapwa estudyante na tutulan ang TOFI at ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan sa kampus. Samantala, binatikos nila ang pagmamanman ng mga pulis sa kilos-protesta sa kampus at ang pagpapalipad ng isang drone sa erya.
The post Mga estudyante ng USC sa Cebu, tutol sa panukalang taas-matrikula ng unibersidad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

