Kinundena ng mga eksperto mula sa Computer Professionals’ Union (CPU) ang balak ng Department of Information and Communication Technology’s (DICT) na buhayin ang isang panukala para sa pwersahang pagpaparehistro sa lahat social media account. Unang pinalutang ng DICT ang panukala noong 2022.

Ayon sa CPU, noon pa man ay nilalabanan na nila ito dahil banta ito sa karapatan sa pribasiya at sa kaparatan ng mamamayan para sa malayang pagpapahayag.

Inihambing ng grupo ang panukala sa SIM Registration Law, na inilako bilang solusyon sa pagsugpo ng mga scam at cybercrime, pero sa akwal ay inutil at yumuyurak lamang sa pribasiya ng mga gumagamit dito. Isinasapanganib lamang din nito ang mga pribadong datos na kinakalap ng mga kumpanya sa telekomunikasyon. Walang malinaw na pagbaba ng cybercrimes kahit pagkatapos ng implementasyon ng SIM Registration Law. Tumaas pa nga ang mga kaso ng scam at naiulat na mga cybercrime, ayon mismo sa datos ng mga pulis.

Ayon sa CPU, ang cybercrime ay nangangailangan ng malinaw na target at partikular na mga solusyon, tulad ng mas mahusay na proteksyon sa personal na datos, at hindi sa pamamagitan ng arbitraryong pag-alis ng karapatan sa pribasiya sa espasyo online o sa internet.

“Sa halip na makatulong, ang pwersahang pagpaparehistro ng mga akawnt sa social media ay magreresulta lamang sa parehong mga problema na idinulot ng SIM Registration Law,” ayon sa CPU. “Hindi nito napigilan ang cybercrime, at sa katunayan, wala itong naitulong sa mga ordinaryong Pilipino.”

“Ang karapatan sa pribasiya ay isang susing kundisyon para sa karapatan sa malayang pagpapahayag ng mga Pilpino,” ayon sa grupo. Nagbibigay ito ng ligtas na espasyo online sa mga indibidwal at grupo upang ipahayag ang kanilang upinyon nang walang banta ng panghihimasok o pamimilit.

“Asahan natin na kapag naging sapilitan na ang registration sa social media, gagamitin ito ng administrasyong Marcos Jr bilang sandata laban sa mga kritiko na nagpo-post o nagko-komento online, tulad ng nangyari na sa nakaraan,” anito.

The post Plano para sa sapilitang pagpaparehistro ng social media, tinuligsa ng mga nagtatanggol sa digital privacy appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.