Kinwestyon ng Kapatid, grupo ng kapamilya at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas, ang kamakailang ulat ng 10th ID ng Philippine Army na halos 100 “dating rebelde” ang “sumuko” sa Davao Del Norte noong Enero 27. Anang grupo, kaduda-duda ito laluna at ilang ulit nang idineklarang ubos na o wala nang pwersa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa prubinsya at buong Southern Mindanao.

“Ano pa ang katuturan ng ‘maramihang pagsuko’ kung ang Armed Forces of the Philippines (AFP) mismo ang paulit-ulit na naghahayag na halos nalipol na ang insurhensiya?” pagtatanong ng Kapatid. Idineklarang “insurgency-free” ang Davao del Norte noong Hunyo 2022 habang ang buong Davao Region noong Oktubre 2022.

Ayon sa militar, 74 sa mga kamakailang sumuko ay mula sa bayan ng Talaingod habang may 21 mula sa Agusan del Sur. Sinasabing nagsuko sila ng 29 na iba’t ibang mahihinang klase ng armas. Mula umano ang mga sumuko sa nabuwag nang mga larangang gerilya at yunit ng BHB-Southern Mindanao.

Kaduda-duda rin para sa Kapatid ang ulat na nakatanggap ng “food packs at financial assistance” mula sa lokal na gubyerno ang mga sumuko. “Sino ang nagpapatunay na ang mga indibidwal na ito ay tunay na dating mga rebelde? Ano ang mga pamantayan at mekanismo para masiguro ito?” pahayag ng grupo.

Dagdag nito, papaano naman at ano kaya ang kalagayan ng mga pinipilit sumuko pero tumatanggi sa kagustuhang ito ng militar. “Sila ba ang nagpaparami ng bilang ng mga hindi naisasadokumentong mga bilanggong pulitikal?” ayon sa Kapatid. Pinatutungkulan ng grupo ang mga indibidwal na hinihinalang dating rebelde at mga pinasusuko na arbitraryong idinedetine nang walang taning sa mga kampo militar o safe house.

Sa huli, itinutulak ng grupo ang imbestigasyon sa ganitong iskema ng militar na lumalabag sa karapatang-tao at ginagamit para sa kikbak at korapsyon. “Kinakailangan ang isang imbestigasyon…upang linawin kung paano ba talaga ginagamit ang pondo ng bayan,” pahayag ng Kapatid.

The post ‘Maramihang pagsuko’ ng mga ‘dating rebelde’ sa Davao del Norte, pinagdududahan ng progresibong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.