Nagpiket ang mga manggagawa ng Toyota, sa pangunguna ng Toyota Motor Philippines Corporation Workers’ Association (TMPCWA), sa upisina ng Department of Labor and Employment (Dole) sa Intramuros, Maynila noong Enero 26. Iginiit nila sa ahensya na tugunan na ang higit 25 taong usapin sa iligal na tanggalan at ang patuloy na pagkakait ng karapatan sa kolektibong negosasyon.

Noong 2001, mahigit 230 manggagawang myembro ng unyon ang “iligal na tinanggal” ng Toyota. Tinanggal sila kasunod ng paggigiit ng unyon ng negosasyon para sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) sa kumpanya.

Kasunod ng maramihang tanggalan, nagkasa ng welga ang unyon noong Marso 2001. Apat pang kasapi ng unyon ang tinanggal ng kumpanya noong Agosto sa taong iyon. Nagmula ang mga manggagawa sa mga syudad sa Metro Manila, Cavite, Batangas, at Laguna.

Nakiisa ang Kilusang Mayo Uno-National Capital Region (KMU-NCR) sa protesta at panawagan ng unyon. Anang grupo, noon pang mga nakaraang taon ay naglabas na ng rekomendasyon ang International Labour Organization (ILO) na dapat resolbahin ng gubyerno ng Pilipinas ang usapin sa paggawa sa Toyota.

Anito, inatasan na ang Dole na kumilos upang maisulong ang settlement ng kaso at matiyak ang pagsunofd sa mga pamantayan sa karapatan ng paggawa. Dismayado ang grupo dahil hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling hindi naipapatupad ang mga rekomendasyong ito.

“Ang patuloy na pag-iral ng 25-taong labor dispute ay sumasalamin sa kawalan ng tunay na proteksyon sa karapatan ng mga manggagawa laluna laban sa malalaking dayuhang korporasyon,” pahayag ng KMU-NCR. Hanggang walang resolusyon ang isyu ay magpapatuloy ang pakikibaka ng unyon at mga manggagawa ng Toyota para sa hustisya, anito.

The post Hustisya, patuloy na sigaw ng mga manggagawa sa 25-taong isyu ng iligal na tanggalan sa Toyota appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.