Inianunsyo noong Enero 24 ng Talents Association of GMA (TAG) ang pagkapanalo nila sa 11-taong kaso kaugnay sa regularisasyon laban sa GMA Network Inc. Sa Hulyo 16, 2025 desisyon ng ikatlong dibisyon ng Korte Suprema, kinilala nito ang mga talent ng GMA Network bilang regular na mga empleyado ng kumpanya at sa gayon ay nararapat na makatamasa ng seguridad sa trabaho at mga benepisyo.

Ang mga “talent” sa GMA Network o iba pang kumpanya sa midya ay mga kontraktwal na empleyado at nagtatrabaho sa bisa ng mga kontrata alinsunod sa “talent system.” Ito ang karaniwang kaayusan sa trabaho sa pagitan ng kumpanya at mga artista, host at performer nito. Sa kaayusang ito, itinuturing silang “independent contractor” sa halip na pultaym na mga empleyado.

Sa pagkapanalo sa kaso, idineklara ng korte na ang 94 na myembro ng TAG, karamihan mula sa News and Public Affairs Department ng kumpanya, ay mga regular na empleyado. Sila ay mga production assistant, tagasaliksik, manunulat, prodyuser, mga artista, koordineytor at cameraman.

Isinaad din sa desisyon na 50 sa mga myembro ng TAG na hindi na binigyan ng bagong kontrata o ibinasura ng GMA Network sa panahong umuusad ang kaso ay iligal na tinanggal. Inatasan ng korte ang kumpanya na bayaran ang separation pay at backwages ng mga empleyadong ito.

Nagsimula ang kaso noong 2014 nang isampa ito ng TAG sa National Labor Relations Commission (NLRC) dahil sa kawalan ng seguridad sa trabaho at akses sa benepisyo sa SSS, Pag-IBIG, at PhilHealth bilang mga kontraktal. Nagdesisyon ang NLRC noong 2015 pabor sa TAG na pinagtibay ng Court of Appeals noong 2019, na nagtulak sa GMA Network na iakyat ito sa Korte Suprema.

Ikinatuwa ng TAG ang desisyon ng Korte Suprema laluna at mayroon nang jurisprudence (o ligal na desisyon) para maprotektahan ang susunod na mga henerasyon ng mga manggagawa sa midya sa bansa. Ang desisyon ng Korte Suprema ay maaari pang iapela ng GMA Network sa pamamagitan ng isang motion for reconsideration, gayunpaman, itinuturing na itong “tagumpay” ng TAG.

Anang grupo, hindi naging madali para sa kanilang mga myembro ang pag-usad ng kaso at ang mismong pagsasampa ng kauna-unahang kaso ng ganitong tipo noong 2014. “Hindi dapat ito tumagal ng 11 taon. Ni hindi dapat ito nangyari,” ayon sa TAG.

Nanawagan ang TAG sa mga kumpanya sa midya, laluna ang mga broadcast network, na ibasura ang malaon nang umiiral na kontraktwalisasyon sa pamamagitan ng “talent system.” Anito, panahon na para protektahan ang mga Pilipinong manggagawa sa midya.

Maraming grupo sa paggawa at progresibong partido ang bumati sa tagumpay ng TAG. Kabilang dito ang Gabriela Women’s Party (GWP) na naging katuwang ng mga empleyado ng GMA sa pagsusulong ng isang imbestigasyon sa mga paglabag ng GMA Network sa mga karapatan ng manggagawa.

Noong 2013, inihain ni dating GWP Rep. Emmi De Jesus ang House Resolution No. 1893 para imbestigahan ang kontraktwalisasyson ng GMA Network. Ayon sa GWP, ang tagumpay ng TAG ay dapat magsilbi ngayong babala sa lahat ng mga employer at kumpanya laban sa kontraktwalisasyon.

The post Laban ng mga empleyado sa GMA para sa regularisasyon, naipanalo ng asosasyon sa Korte Suprema appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.