Naglunsad ng protesta ang mga grupo sa karapatang-tao sa harap ng Department of Justice (DoJ) sa Maynila noong Enero 29 para muling tuligsain ang mga reklamong isinampa sa ahensya laban sa mga lumahok sa protestang kontra korapsyon. Itinaon ang pagkilos sa pagsusumite ng kontra salaysay ng mga inireklamo ng Philippine National Police (PNP) sa mga kasong sedisyon at pag-uudyok ng sedisyon na may kaugnayan sa Anti-Cybercrime Prevention Act of 2012.

Ayon sa Karapatan, hindi bababa sa 72 indibidwal ang sinampahan ng reklamo ng PNP. Anang grupo, kabilang sila sa 97 na tinarget ng pagtugis ng DoJ dahil sa partisipasyon sa protestang Baha sa Luneta noong Setyembre 21, 2025 at pag-post sa social media ng kanilang mga kontra-korapsyon na paninindigan.

Dagdag ng Karapatan, ang ilan sa mga inireklamo ay kabilang sila sa higit 270 na mga dinakip sa rali sa Mendiola noong araw na iyon at kinasuhan ng PNP sa korte ng bandalismo, panggugulo, panununog at assault.

Kabilang sa mga inireklalmo ng PNP sa DoJ si Renato Reyes Jr, pangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), at mga lider-estudyante mula sa mga konseho, pahayagan at progresibong grupo na sina Tiffany Faith Brillante, Joaquin Buenaflor, Jacob Baluyot, at Aldrin Kitsune.

Ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, kapansin-pansin na marami sa sinampahan ng PNP ng reklamo ay ang mga nagtutulak ng “malalim na pagbabago ng sistema” upang maalis ang katiwalian. Dagdag ni Palabay, isa itong panawagan na lagpas sa simpleng pagpapanagot sa mga tiwaling elemento mula sa mga pangkat ng mga Marcos at Duterte.

“Ang pagpapaigting sa pag-uusig sa mga nagprotesta laban sa korapsyon ay nagpapatibay lamang sa aming pagdududa sa katapatan ng kampanya ng gubyerno laban sa korapsyon sa burukrasya,” ayon kay Palabay. Aniya, malinaw na isa itong desperadon hakbang para supilin ang poot ng mamamayan laban sa korapsyon at pigilan ang bugso ng galit ng publiko sa pag-abot sa mga pintuan ng Malacañang.

Noong Enero 26, naglunsad rin ng protesta ang mga grupo ng kabataan sa DoJ sa pangunguna ng Kalayaan Kontra Korapsyon. Lider ng naturang grupo si Kitsune. Hiwalay na mga protesta naman ang inilunsad ng mga estudyante ng University of the Philippines-Diliman at Polytechnic University of the Philippines-Sta. Mesa sa nagdaang mga linggo laban sa pagtugis sa kanilang mga lider.

Noong Enero 25, nagsagawa ng pulong ang AKAB-Alyansa Laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Pulis para paghandaan ang pagharap sa mga kaso at reklamong isinampa sa mga nagprotesta laban sa korapsyon. Ang AKAB ay binubuo ng mga biktima ng karahasan ng mga pulis sa protestang Setyembre 21, 2025 sa Mendiola, kanilang mga kaanak, mga abugado at grupo sa karapatang-tao.

Samantala, nagpahayag ng suporta ang Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) sa mga inireklamo ng rehimeng Marcoss. Hamon ng grupo, sa harap ng panunugis ay dapat patuloy na buong-lakas na isisigaw ang mga panawagan, pag-usapan at talakayin ang puno’t dulo ng korapsyon. “Hindi tayo matatakot sa mga galamay ng gobyerno na nag-aastang protektor ng mga kurakot at taga-usig ng mga aktibistang anti-korapsyon,” anito.

The post Mga reklamo sa DoJ laban sa mga lumahok sa protestang kontra korapsyon, muling tinuligsa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.