Mariing kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA ang umiigting na impunidad at karahasan ng Immigration and Customs Enforcement (ICE), Customs and Border Patrol (CBP) at lahat ng pwersa ng estado sa mga residente ng Minnesota sa kampanyan anti-migrante at imigrante ng gubyernong Trump. Nito lamang nagdaang mga linggo, dalawang residente na ang pinaslang at daan-daang imigrante kabilang ang kanilang mga anak ang dinukot ng mga ahente ng ICE habang ipinatutupad nito ang Operation Metro Surge.

Noong Enero 7, malapitang binaril ng isang ahente ng ICE si Renee Good, isang manunulat, nagmamaneho paalis mula sa grupo ng mga ahente. Noong Enero 24, pinatay naman ng isang ahente ng CBP si Alex Pretti, isang nars sa Veterans Affairs Hospital. Naganap ang krimen dahil ipinagtanggol ni Pretti ang isang babae na inatake ng mga ahente. Kabilang si Good at Pretti sa mga nagpuprotesta laban sa pasismo ng ICE sa syudad. Tahasang ipinagtanggol ng Domestic Homeland Security, sa pangunguna ni Kristi Noem, ang mga krimen bilang lehitimong aksyon at tinawag ang mga biktima bilang “domestic terrorist”.

Lalong sumiklab ang galit at disgusto ng mamamayan sa rehimeng Trump dahil sa kawalang pananagutan at lantarang pagyatak ng mga ahente sa karapatang-tao ng mamamayan. Noong Enero 24 naglunsad ng pangkalahatang welga ang mamamayan ng Minnesota na tinawag na “Araw ng Katotoohanan at Kalayaan”. Libu-libong mga negosyo ang nagsara at libu-libong mamamayang ang humugos sa lansangan sa gitna ng napakalamig na klima (-29°C/-20°F) upang ipanawagan ang pagpalayas ng ICE sa kanilang syudad.

Matapos ang pamamaslang kay Pretti, mas dumami ang humugos sa lansangan. Hinarang ng mga raliyista ang komboy ng ICE upang pigilan sila sa pagdukot ng mga residente. Nagprotesta din sila sa mga hotel na tinutuluyan ng mga ahente at sa tindahang Target dahil sa lantarang nitong pagsuporta sa operasyon ng ICE. Kasabay nilang lumabas sa lansangan ang mamamayan sa Minneapolis, New York, Washington, Los Angeles at Sacramento upang makiisa sa kanilang laban at kundenahin ang pasismo ng ICE. Aktibong lumahok ang mga pambansang demokratikong organisasyong Pilipino-Amerikano sa US sa mga kilos protesta sa mga syudad.

Ayon sa Bayan USA, dapat labanan ng mamamayan ang impunidad ng ICE, CBP at lahat ng ahente ng estado, sa patuloy nitong pag-okupa sa mga lungsod, paghasik ng terorismo sa mga komunidad, pagdukot, pagdetine at pagdeport sa mga pamilya, kabilang ang mga bata.

Ayon sa grupo, dapat ding tigilan ng gubyerno ng Pilipinas ang kriminal na pakikipagsabwatan nito sa gubyerno ng US sa pagkunsinte nito at pagtatanggi na ipagtanggol ang mga Pilipinong migrante mula sa iligal na detensyon at deportasyon.

“Katulad ng ating pakikipagkaisa sa libu-libong mamamayan sa buong bansa upang mapalaya ang ating mga mahal sa buhay mula sa detensyon noong 2025, katulad ng libu-libong naglunsad ng pangkalahatang welga sa mga syudad sa gitna ng napakalamig na panahon, hindi kami susuko. Patuloy kaming mag-oorganisa at lalaban ang pasismo ng estado, mula sa US hanggang sa Pilipinas, hanggang sa lumaya ang mamamayan,” pahayag ng grupo.

The post Umiigting na karahasan ng ICE sa US, kinundena ng mga Pilipino-Amerikanong aktibista appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.