Sa pagbabalik-kampus nitong Enero, kaagad nagtipon at naglunsad ng protesta ang mga konseho ng mag-aaral, progresibong grupo at kabataang estudyante sa kani-kanyang kampus. Daan-daang estudyante ang nagtipon para patuloy na ipaglaban ang kanilang demokratikong karapatan, singilin ang rehimeng Marcos sa malawakang korapsyon at labanan ang panunupil.
Sa University of the Philippines (UP) System, inilunsad ang mga protesta sa mga kampus mula Baguio City hanggang Davao City. Ang mga pagkilos na ito ay binansagang “first day fight” o protesta ng pagsalubong sa unang araw ng bagong semestre.
Ayon sa UP Office of the Student Regent, may mga laban na kailangang ipagpatuloy sa pagsisimula ng bagong semestre sa unibersidad. Dagdag nito, buo ang loob ng mga iskolar ng bayan na haharapin ang mga hamon na ito ngayong taon.
Noong Enero 19, mahigit 550 estudyante ang nagmartsa sa UP Los Baños sa Laguna para magprotesta. Muli silang naglunsad ng pagkilos noong Enero 23. Malawakang lumahok sa protesta ang mga konseho, organisasyon at kapatiran sa mga pagkilos.
Sa UP Manila, mahigit 100 estudyante ang kumilos sa unang protesta sa kampus noong Enero 19. Sa araw ding iyong nagprotesta ang mga konseho at grupo sa UP Visayas Miag-ao at UP Tacloban. Noong Enero 20, daan-daan ang kumilos sa mga protesta sa UP Baguio, UP Clark sa Pampanga, UP Diliman at UP Cebu. Sa UP Diliman naglunsad muli ng mga protesta noong Enero 22 at 27.
Inilunsad naman ng konseho ng UP Open University ang isang protesta sa pasilidad nito sa Quezon City noong Enero 24. Sa UP Mindanao, kumilos ang mga estudyante noong Enero 27 sa kampus sa Davao City.
Sa Polytechnic University of the Philippines, dalawang beses na nagsagawa ng lokal na pagkilos noong Enero 15 at 21 ang mga konseho ng mag-aaral at progresibong grupo sa kampus sa Sta. Mesa sa Maynila.
Sa Technological University of the Philippines-Manila, kumilos ang mga estudyante noong Enero 19.
Mga pagkilos sa pribadong unibersidad
Sa Saint Louis University sa Baguio City, nagprotesta ang mga kabataan at estudyante noong Enero 12. Sa araw ding iyong kumilos ang mga kabataan ng Far Eastern University sa Morayta, Maynila.
Noong Enero 19, naglunsad ng isang pag-aaral ang mga progresibong grupo sa University of Santo Tomas hinggil sa pasismo ng rehimeng Marcos, Red-tagging at tahasang pag-atake sa akademikong kalayaan sa unibersidad. Sinundan nila ito ng isang protesta sa geyt ng kampus noong hapon sa araw na iyon.
Sa De La Salle University-Manila sa Taft Avenue sa Maynila, naglunsad ng protesta ang mga estudyante noong Enero 5. Tahasang sinupil at ipinatigil ng administrasyon ang kilos protesta.
Sa Ateneo de Manila University, nagprotesta ang mga grupo at estudyante sa kampus noong Enero 8, 16 at 24.
Noong Enero 23, isang pagkilos ang isinagawa ng mga estudyante ng Univeristy of San Carlos sa Cebu City. Tinutulan nila ang panukalang pagtataas ng matrikula sa unibersidad.
The post Malawakang protesta sa kampus, inilunsad ng mga estudyante nitong Enero appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

